PAGRESPETO SA IBA’T IBANG PANANAW SA DIVORCE

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

SA kabila ng pagiging isa sa mga bansang may pinakamalaking populasyon sa buong mundo, nananatiling isa sa ilang natitirang mga bansa na walang batas sa diborsyo ang Pilipinas. Kaya ang usapin tungkol dito, lalo pang uminit matapos maipasa ang divorce bill sa Kongreso.

Maraming sektor ng lipunan ang nagpahayag ng kani-kanilang posisyon kasama na ang mga kumokontra dito dahil sa pananaw na immoral ito at hindi ginagalang ang sakramento ng kasal. Nariyan din ang nagtutulak na gawin na lang libre ang annulment kaysa payagan ang diborsyo sa bansa, kung saan karamihan ng mamamayan ay Katoliko.

Sa kasalukuyan, ang tanging opsyon para sa mag-asawang gustong tapusin ang kanilang kasal sa Pilipinas ay ang annulment na bukod sa magastos at matagal, nangangailangan din ng mga komplikadong legal na proseso na nagiging hadlang para sa karamihan. Ang hindi pagiging accessible ng annulment para sa mga ordinaryong Pilipino ay nag-iiwan sa maraming mag-asawa sa mga sitwasyon ng hindi masayang pagsasama, karahasan, at emosyonal na pang-aabuso — na siya namang nais solusyunan ng pagsasabatas ng diborsyo.

Ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa noong Marso 2024, 50 porsyento ng mga Pilipinong nasa hustong gulang ay sumusuporta sa legalisasyon ng diborsyo para sa mga mag-asawang hindi na maaaring magkasundo.

Bagama’t karamihan ng mga Pilipino ang sumusuporta sa legalisasyon ng diborsyo — bumaba na ito sa 55% noong Hunyo 2023 at 65% noong Marso 2023.

Ipinakita rin sa survey, “very strong” ang pagsang-ayon ng mga mayroong live-in partners sa pagsasabatas nito, samantalang “moderately strong” naman sa mga biyuda/biyudo o hiwalay, mga hindi pa kinakasal at pati na rin sa mga kasal na. Kung relihiyon naman ang pag-uusapan, maituturing na “moderately strong” ito sa mga Katoliko, Muslim at iba pang Kristiyano; at “moderately weak” naman sa Iglesia ni Cristo.

Sa kabila nito, pareho namang may katuturan at punto ang sinasabi ng mga sumusuporta at kumokontra dito.

Totoong ang bawat tao ay may karapatang maghanap ng sariling kaligayahan at kapayapaan at magbibigay ang diborsyo ng opsyon para sa mga mag-asawang hindi na magkasundo upang makahanap ng bagong simula. Maraming kababaihan at kalalakihan ang nakakulong sa mga abusadong relasyon dahil walang legal na paraan upang makawala sa kasalukuyang sitwasyon, at importante talagang magkaroon ng pagkakataon ang mga biktima ng domestic violence na mabigyan ng oportunidad na makabangon mula dito. Isa itong praktikal na solusyon sa mga problemang hindi na malulutas sa loob ng kasal at bagama’t makabago ay nagsisilbi na ring aral na maaaring makatulong.

Sa kabilang banda naman, marami ang naniniwala na ang diborsyo ay sumasalungat sa mga aral ng simbahan at tradisyunal na pagpapahalaga sa pamilya. Naniniwala ang mga kalaban ng diborsyo na ito ay magdudulot ng mas maraming sirang pamilya at magpapalala sa problema ng mga batang lumalaki na walang kumpletong magulang, na nagdudulot ng negatibong epekto sa kanilang emosyonal at sikolohikal na kalagayan.

Narito na tayo sa puntong hindi naman kailangan mag-away-away, at mas importanteng lawakan pa ang pag-iisip dahil komplikadong usapin ang diborsyo.

Sa aking palagay, mayroong mga sitwasyon na ang diborsyo ang tanging makataong solusyon at ang pagsasabatas nito sa bansa ay maaaring makapag-bigay ng pag-asa at pagkakataon sa mga nais magsimulang muli — lalo na kung talagang nagawa naman na nila ang lahat ng kanilang obligasyon, at ang posibleng sakripisyong pwedeng gawin pero hindi pa rin talaga sila nagkakaroon ng maayos na pagsasama.

Ang tunay na diwa ng isang malaya at makatarungang lipunan ay ang pagkakaroon ng opsyon para sa lahat, anoman ang kanilang sitwasyon sa buhay.

74

Related posts

Leave a Comment