KUMAKATOK MULI ANG COVID-19 SA ATING KAPALIGIRAN

MY POINT OF BREW ni JERA SISON

UNA sa lahat, nais kong bumati ng Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon sa inyong lahat. Harinawa’y mas magandang kinabukasan ang naghihintay sa Pilipinas ngayong 2024.

Tamang tama ang paksa na pag-uusapan natin ngayon. Ako ay hindi nakapagsumite ng kolum ko noong nakaraang linggo at nitong Martes. Medyo masama ang pakiramdam ko at masakit ang ulo ko noong ika-23 ng Disyembre.

Sabi ko nga sa sarili ko ay kung bakit sa mga panahon na iyon ay tila magkakasakit ako, dalawang araw bago mag-Pasko.

Mabuti naman at hindi ako nagkasipon. Sumakit lamang ang mga kasu-kasuan ko kasama na pati ang ulo ko. Hindi naman mataas ang temperatura ng aking katawan, subalit medyo matamlay ang pakiramdam ko.

Hindi na ako nag-abalang mag-antigen test kung ako ay may COVID-19. Nagsuot na lamang ako ng face mask, uminom ng paracetamol at nagpahinga. Mabuti na lamang at hindi nagtuloy sa trangkaso o kaya naman ay ubo at sipon.

Kaya naman nais kong paalalahanan ang lahat na ingatan ang ating kalusugan. Sigurado ako na marami rin sa atin at mga malapit na kilala o kaya naman ay kamag-anak na tinamaan ng ubo’t sipon o kaya naman ay trangkaso nitong mga nakaraang linggo.

Ayon sa Octa Research, ang COVID-19 positivity rate ay bahagyang tumaas sa Metro Manila. Ipinahayag ni Dr. Guido David na ang positivity rate ay nasa 24.8 percent sa National Capital Region. Noong ika-19 ng Disyembre, ang naitalang positivity rate ay nasa 22% at umakyat ito sa 24.8% noong ika-26 nitong buwan.

Subalit ang datos na ito ay ang mga naiulat lamang sa mga ospital. Hindi kasama rito ang mga kababayan natin na may mga sintomas ng COVID-19 ngunit hindi na nag-abalang pumunta sa ospital upang magpatingin.

Marahil ay isa na ako roon. Hindi ko naman kasi alam kung ang naramdaman kong sakit noong nakaraang linggo ay positibong COVID-19 o kaya naman ay hindi pala. Wala naman kasi akong ubo at sipon.

Kung meron man na magandang balita dito, ang bagong variant o uri ng COVID-19 ay hindi tulad ng tumama sa atin tatlong taon na ang nakalilipas. Ang tinatawag na delta variant ay nakamamatay at nagresulta sa maraming pagkabuwis ng buhay. Sigurado ako na may kamag-anak o kakilala kayo o malapit sa inyo ang namatay dulot ng COVID-19 na delta variant. Mabuti na lamang at hindi na ganoon katindi ang kumakalat na COVID-19 sa atin.

Dagdag pa ni Dr. David, pumapalo na raw sa 250 hanggang 350 ang bagong kaso ng tinamaan ng COVID-19. Tila kailangan yata ay mag-ingat na tayo nang husto.

Sa malls at pasyalan, marami sa atin ay hindi na nagsusuot ng face mask. Bagama’t wala pang malinaw na kautusan ang DoH na magsuot ng face mask sa mga pampublikong lugar, hinihikayat ko na magsuot tayo ng face mask bilang proteksyon upang hindi tayo mahawaan.

Ito ang maaaring maging mahalagang tulong din natin upang hindi tumaas ang kaso ng COVID-19. Huwag na tayo makipagsapalaran. Kung maaaring makaiwas sa mataong lugar, gawin natin. Kung nais manood ng sine, magsuot ng face mask.

Umiwas sa mga taong naobserbahan natin na parang may sipon o ubo. Kung masama ang pakiramdam natin, mag-self-isolate tayo upang hindi tayo makahawa.

Ito ang nakikita kong sandata upang mapigilan ang pagtaas ng kaso ngayon ng COVID-19. Sabi ko nga, tila kumakatok muli sa ating kapaligiran ang nasabing sakit. Huwag natin ito papasukin sa ating katawan.

56

Related posts

Leave a Comment