LABANANG MAKATI VS TAGUIG LGUs, TAUMBAYAN ANG KAWAWA!

RAPIDO ni PATRICK TULFO

KAMAKAILAN nga ay tuluyan nang ipinasara ng lokal na pamahalaan ng Makati ang mga health center at lying-ins sa 10 EMBO barangays.

Ito ay kasunod ng paglipat ng hurisdiksyon ng 10 barangay (Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, Pitogo, Rizal, Northside at Southside) sa ilalim ng Taguig City.

Ayon sa mga opisyal ng Makati LGU, matagal na raw alam ng Taguig LGU na ipasasara nila ang health centers at lying-ins dahil kinakailangan daw nitong magsumite ng mga bagong rehistro sa ilalim na ng Taguig.

Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit kailangang ipasara? Maaari namang i-turnover na lang sa Taguig ang mga papel upang marehistro nang sa ganoon ay hindi na kailangang ipasara pa.

Paano kung kailanganin ng mga residente ang center at paano kung may manganganak? Kailangan pa nilang tumakbo sa napakalayong center at paanakan.

Nakalimutan yata ng Makati LGU na hindi nila pera ang ipinatayo sa mga center na ito. Hindi po inyo ang mga center na iyan. Hindi maganda na para kayong mga batang natalo sa laro at hindi matanggap ang pagkatalo kaya kayo nagmamaktol.

Kawawa ang mga residenteng sakop ng mga ipinasara n’yong centers. Taumbayan ang may-ari n’yan. Hindi dapat nadadamay ang mga tao sa mga personal n’yong pakikipaglaban.

Bakit hindi ko sasabihing personal? Kasi kung hindi kayo namemersonal, hindi n’yo na ipasasara ang mga ipinatayo n’yo noong nasasakupan n’yo pa ang mga ito.

Marami ngang negosyo dyan sa Makati, kahit ilang linggo nang walang rehistro ‘di naman agad-agad ipinasasara, pero bakit ang mga health center, porke hindi na inyo ay ipasasara n’yo na? Hindi naman tama iyon. Kawawa naman ang mga residente ng 10 barangays, tila nagmukhang inabandona ng kinilala nilang magulang matapos na malamang hindi pala sila tunay na mga anak, he he.

61

Related posts

Leave a Comment