HINDI na bago ang krisis sa mamamayang Pilipino. Katunayan, ‘yan mismong krisis ang naging patunay ng tibay ng sambayanang dumaan na sa hindi mabilang na pagsubok tulad ng lindol, bagyo, pagbaha at kawalan ng hanapbuhay, nakaambang gutom at maging ang nakamamatay na pandemya.
Sa lahat ng ito, bumangon ang mga Pilipino bilang patunay na hindi iindahin ng lahing kayumanggi ang ano mang darating pang delubyo.
Gayunpaman, ang hindi kayang matagalan ng mamamayan ay ang garapalang katiwaliang lubhang nagpapabagal sa mga programang naglalayong isulong ang kapakanan ng iba’t ibang sektor ng lipunan.
Sa tuwing may bagyo, pagbaha, lindol at iba pang kalamidad na dala ng kalikasan, palaging huli ang tugon ng pamahalaan. Nauuna pa ang maliliit na mamamayan sa pagtulong sa mga nangangailangan.
Bakit kamo? Dangan naman kasi inuuna pa ng mga utak-sindikatong opisyal sa ilang sangay ng gobyerno ang mahihitang pakinabang sa mga programang pantugon sa mga pamilyang apektado. Pati ang mga programang pangkabuhayan, kinukupitan.
Mga programang pabahay sa mga sinalanta, pinagkakakitaan.
Gayundin sa krisis na dulot ng kabi-kabilang pagtaas ng halaga ng mga pangunahing bilihin bunsod ng walang puknat na dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo.
Pagtitiyak ng administrasyong Duterte, nakahanda ang pamahalaan. Katunayan aniya, mayroon na silang pondong inilaan bilang ayuda sa mga naapektuhang sektor ng lipunan.
Ang siste, sadyang makupad ang gobyerno, kundi man sadyang walang puso. Ang panawagang suspensyon sa excise tax ng mga produktong petrolyo, umento sa singil na pamasahe sa mga pampasaherong sasakyan at maging ang giit na dagdag-sahod, nakatengga lang.
Katwiran ng gobyerno, pinag-aaralan pa nila kaya pagtiisan muna ang baryang ayuda.
Ang masaklap, barya na nga, puro pangako pa. Aanhin pa ang ayuda ng gobyerno kung patay na ang mga tao?
98