LABANAN ANG PANDARAHAS SA MGA MAMAMAHAYAG

ITO ANG TOTOO ni Vic V. VIZCOCHO, Jr. 

SA mga mamamahayag, walang istorya na kasing halaga ng buhay nila.

Ito Ang Totoo: Wala ring negosyo na katumbas ng buhay ng tao, attention, Clarkhills Properties Corporation.

Nitong nakaraang linggo ay sumiklab ang karahasan sa demolisyong isinagawa sa Sitio Balubad, Brgy. Anonas, Angeles City.

Tinatayang 2,000 residente ang nawalan ng tahanan. Nag-ugat ang lahat sa kanselasyon ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) ng mga residente sa 73 ektaryang lupain at sa bandang huli ng mahabang prosesong legal ay ipinag-utos nga ang demolisyon pabor sa Clarkhills Properties Corporation.

Ito Ang Totoo: May legal na atas nga ang kinauukulan na magsagawa ng demolisyon subalit hindi nangangahulugang maaari nang gumamit ng dahas nang walang pakundangan.

Sa puntong legal, maaaring makita na wala nang pinanghahawakan ang mga residente para ariin ang kinatitirikan ng kanilang mga tahanan subalit ang usapin ay may aspetong hindi limitado sa kung ano ang naging desisyong ginawa sa loob ng gusali ng korte. Mga tao ang apektado, at kung ang hayop nga ay binibigyang konsiderasyon, tao pa kaya.

Ito Ang Totoo: Dalawang mamamahayag ang dumanas ng karahasan ng mga kasapi ng demolition team, walang pakundangan ang mga bayarang gangster sa pandarahas kina Rappler reporter Joann Manabat at K5 broadcaster Weng Quejada.

Maraming beses na nagpahayag ng suporta sa mga sitwasyong ganito ang mga politiko pero sa haba ng panahong lumipas, ganoon pa rin, walang pagbabago.

Patunay lang ito na ang pangangalaga sa sarili ay nakapatong din sa balikat mismo ng mga mamamahayag, walang maaasahan, lalo na sa mga politikong puro lip service lang.

Ito Ang Totoo: Ang pinamumunuan nating Central Luzon Media Association (CLMA), ang 45 taon nang samahan ng mga mamamahayag sa Gitnang Luzon na binubuo ng mga lalawigan ng Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac at Zambales, ay nakikiisa sa paghanap ng hustisya para sa dalawa, kahit saan pa umabot ang kaso sukdulan hanggang Korte Suprema.

Inihahanda rin ng CLMA ang mga panukalang hakbang upang ang malayang pamamahayag ay hindi tuluyang mayurakan dahil ito ay napakahalagang elemento upang ang lipunan ay manatiling sibilisado.

Ito ang Totoo!

65

Related posts

Leave a Comment