LABANAN SA SPEAKERSHIP

BAGWIS

LALONG gumanda ang bakbakan para sa speakership sa Kamara matapos magpahayag si Pangulong Digong na hindi na siya mag-eendorso ng taong mailuluklok bilang pangatlo sa pinakamakapangyarihang opisyal ng pamahalaan.

Traditionally, ang speaker ay matatawag na “President’s choice.” Bagama’t nakasaad sa Saligang Batas na isang independent body ang Mababang Kapulungan at hindi ito nasasaklawan ng kapangyarihan ng pangulo, kontrolado naman nito ang distribusyon ng mga pondong nakalaan sa ating mga distrito.

Kapag ‘di kakampi ng Ehekutibo, mamumuti muna ang mata ng isang kongresista bago ma-release ang tinatawag na Special Allotment Release Order (SARO) para sa kanyang proyekto kahit ito ay aprubado na at may nakalaan nang pondo.

Ngunit iba ang sistema ngayon dahil mukhang kampante ang pangulo na kahit sino ang ilagay na speaker ay kakampi niya ito. Alam niyang susunod ito sa bawat kum­pas ng Ehekutibo.

Of course, ‘di maganda ito para kay Rep. Lord Allan Velasco ng Marinduque na siyang itinuturing na liyamado sa labanang ito, at kay Taguig Rep. at dating Sen. Alan Peter Cayetano na tila napangakuan na magiging susunod na speaker.

Itinuturing naman ng ilan na ang ginawang ito ng pa­ngulo na sinabayan pa niya ng pahayag na mas nararapat na si dating pangulo at outgoing Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang mamili kung sino ang susunod na speaker ay isang indirect endorsement para kay Leyte Rep. Martin Romualdez.  Ito rin ang linyang itinutulak ngayon ng kanyang mga tagasuporta.

Kung ‘di nito maagapan ang opensiba ni Martin sa psychological warfare, malamang ay malalagasan na nang tuluyan ng suporta si Lord. Kapag nagkataon ay baka hindi na uubra kahit i-endorse pa siya ng kanyang matalik na kaibigang si Mayor Sara Duterte.

Gayunpaman, may puntos din naman ang bulong ng isa kong kaibigan na pagdating ng araw ng botohan, ang magiging batayan kung sino ang mananalong speaker ay kung sino ang iboboto ni presidential son at Davao Rep. Paolo Duterte. Kapag tumayo si Polong (alphabetical order ang botohan at nominal voting) at ipahayag ang kanyang boto, tiyak na ang mga susunod sa kanyang kaalyado ng administrasyon ay iyon na rin ang kanyang iboboto. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)

106

Related posts

Leave a Comment