LABASAN NG BAHO NG SENADO AT KAMARA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

PINAG-AARALAN na raw mabuti ni Pangulong Bongbong Marcos ang mungkahi na bigas na lamang sa halip na pera ang ibigay sa mga beneficiary ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, ayon kay Department of Agriculture (DA) Usec. Roger Navarro.

Umusbong ang mungkahi para raw maibsan ang paghihirap ng mga benepisyaryo na kailangan pang bumili ng bigas na ngayon ay mataas ang presyo. Kung bigas na mismo ang ipamimigay ay magdudulot pa raw ito ng pagbagal ng inflation sa bansa.

Welcome naman sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mungkahi.

Ano ba ‘yan? Kakalikutin na naman ni Marcos ang kanyang utak sa suhestiyong lalong magpapahirap sa distribusyon ng ayuda.

Ang 4Ps ay conditional cash transfer program ng gobyerno kung saan tatanggap ang mga kwalipikadong pamilya ng ayudang pinansyal. Tapos ikokonbert sa bigas.

Hindi lang bigas ang binibili ng mga benepisyaryo kapag natanggap ang cash grant. Inilalaan din ito sa baon ng mga estudyante, pamasahe, pambili ng kagamitan sa pag-aaral, etc.

Sige nga, bigas na lang sa halip na cash ang ibigay pero tingnan natin ang implikasyon at resulta nito.

Sabagay, maiiwasan na ang sanglaan ng ATM, ngunit kapag bigas ang ibinigay ay malamang na ibenta rin ito ng iba para may perang ilalaan sa ibang gastusin. At para maibenta ang nakuhang bigas ay ibababa nila ang presyo, mas mababa sa umiiral na bentahan sa pamilihan.

Ang resulta: lalong liliit ang halaga ng perang nakuha sa pagbebenta ng bigas at lalong mamimilipit ang pamilya paano pagkasyahin ang ayuda.

Eto pa, magmumula sa National Food Authority ang bigas. Ayan, uugong na naman ang agam-agam at suspetsa – sa kalidad ng bigas.

Walang pagpipilian ang mahihirap. Basta meron, tanggapin. Ang ibinibigay bitbitin.

Pero sana ay ikonbert ng mga opisyal at lider ng bansa ang kanilang utak sa may sustansyang plano at aksyon.

Hindi ikonsentreyt sa CASH O BIGAS.

Nasa ayuda na rin lang naman tayo, tuloy ang bangayan ng Senado at Kamara. Nagbabatuhan na sila ngayon ng baho sa isa’t isa.

Siraan dito, siraan doon.

Tulad na lang nitong si Sen. Imee Marcos na panay ang kuda laban sa AKAP program ng DSWD kasi kilalang proyekto ito ng liderato ng Kamara. Habang panay ang ikot ni Manang Imee sa bawat sulok ng Pilipinas para mamahagi ng ‘kanyang’ AICS, nilalaglag naman niya ang AKAP.

Iyon nga lang, may bala palang pinanghahawakan ang mga kakampi ni Mr. Speaker sa Kamara. Ang pasabog ng mga kongresista, halos 900,000 pamilya o 4.3 milyong mahihirap na Pilipino ang pinagkaitan ni Manang Imee ng 4Ps noong 2023.

Ang hinugot daw na pondo na laan sana sa 4.3 milyong mahihirap ay inilipat sa AICS.

Sabi nga, “People who live in glass houses shouldn’t throw stones”. Pare-pareho lang silang may lihim sa baul.

Bigla ko tuloy naalala ang pagdadabog ni Cong. Polong Duterte dahil tinanggal ng liderato ng Kamara sa National Expenditure Program (NEP) ang P2 billion na nakalaan sa kanyang distrito. Binigyan lang daw siya ng P500 million halaga ng proyekto.

Dito na lumutang na nagmamarakulyo ang kongresista dahil nasanay na bumabaha ang kanyang budget noong termino ng amang si Rodrigo.

Tumataginting na P51 billion daw ang budget ng distrito ni Polong sa nakaraang tatlong taon o mula 2020 hanggang 2022. Binabaha pala talaga ang Davao City…. ng pera.

Pero napansin n’yo ba, nanahimik na si Polong. Ginawa na ngang meme sa social media ang P51-B.

Nasaan na ang tapang ni Polong?

69

Related posts

Leave a Comment