PULA VS BERDE

DPA  ni BERNARD TAGUINOD

HABANG nag-iisip ako ng aking isusulat sa pitak na ito, biglang tumugtog ang kantang “Tatsulok” ng singer na si Bamboo at bigla akong nagka-idea nang mabanggit sa kanta ang “Hindi pula’t dilaw ang tunay na magkalaban. Ang kulay at tatak ay ‘di syang dahilan”.

Ang pula ay kulay ng mga Marcos habang dilaw naman ang tatak ng mga Aquino, ang dalawang pamilyang mortal na magkaaway sa pulitika nang banggain ng noo’y senador na si Benigno “Ninoy” Aquino III ang diktador na si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.

Mula dekada 70, naging simbolo ang dalawang kulay na ito sa mundo ng pulitika at bagama’t pink ang dinalang kulay ni dating Vice President Leni Robredo noong 2022 presidential election ay hindi pa rin nawala ang kulay dilaw sa kanilang grupo dahil sa kanilang partidong Liberal.

Pero ngayon ay mukhang hindi na ang pula at dilaw ang magkalaban sa pulitika kundi pula vs berde kung ang political atmosphere sa kasalukuyan ang pagbabasehan at ang mga kulay na ito ang inaasahang magbabanggaan sa 2025 eleksyon at maaaring mag-extend hanggang 2028.

Kilala ang mga Duterte sa kulay berde kaya noong 2022 presidential election ay pula at berde ang kulay ng campaign posters ng UniTeam nina Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at Sara Duterte.

Maagang nasira ang UniTeam dahil sa political ambition ng mga politikong bumubuo sa nasabing grupo at lalong nawasak dahil sa bunganga ng ama ni VP Sara na si dating Pangulong Rodrigo Duterte at mga kapatid nito.

Kaya ang dating magkaalyadong kulay ay nagbabanggaan na. Out na ang Pula laban sa Dilaw dahil umentra na ang Pula laban sa Berde.

Sa impormasyong nakuha natin, nagsasanib-pwersa ang political leaders na hindi nakaporma sa Marcos Junior Administration para maglarga ng mga kandidato sa ilalim ng kulay berde laban sa mga manok ng kulay pula sa 2025 midterm election.

Hindi rin naman nagpapatalo ang mga pula dahil naghahanda na rin sila at isa sa mga strategy, hindi dadalhin ng mga congressman na kaalyado ng administration, ang mga berdeng senatorial candidates.

Ibig sabihin, tuluyang sasabog ang giyera sa pagitan ng pula at berde sa 2025 midterm election at hindi lang Senado ang target na makontrol ng mga berde kundi ang mababang kapulungan dahil kung mas marami sila, mas madaling makapag-impeach ng impeachable officials.

Pero papayag ba si Junior? Hindi siyempre. Hindi niya gugustuhing ma-impeach kaya sasabayan niya ang mga berde kaya nga masaya ang mga politiko, maliban sa mga Duterte sa kanyang administrasyon eh.

Ang inaabangan ko ay ang aksyon ng mga dilaw na mistulang outcast na sa mundo ng pulitika dahil ang kanilang mga lider…hanggang sa salita lang at hindi sinasabayan ng gawa dahil wala pa rin silang kalakas-lakas mula nang matapos ang termino ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Malapit na ang eleksyon pero wala pa ring malinaw na kandidato ang mga Dilawan at wala ring matibay-tibay na manok sa 2028 election. Baguhin niyo kaya ang strategy niyo na saka niyo ipakilala ang kandidato niyo kapag filing na ng certificate of candidacy.

125

Related posts

Leave a Comment