LAGLAGAN SA KAKAMPINK

HABANG papalapit ang kinapapanabikang araw ng paghuhukom ng sambayanan, lumilinaw ang tunay na kulay ng mga kandidatong bahagi ng isang lapian. Dangan naman kasi, kabi-kabila na ang laglagan.

Sa lapiang Reporma, nilaglag bilang standard bearer ang kanilang pambatong si Senador Ping Lacson. Sa koponan naman ng Kakampink, nilaglag na rin ang pinakamatalak nilang kandidatong senador na si Dick Gordon.

Giit ni Lacson, ­hinihingan siya ng P800 milyon kaya siya inilaglag ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez na tumatayong chairman ng partidong Reporma. Sa hanay naman ng mga Kakampinks, nais ng mga konserbatibong miyembro na sipain si Gordon dahil sa garapalang pambabastos sa mga kababaihan at mga katutubo.

Gamit ang hashtag na #DropGordon sa social media, inihayag nila ang kanilang pagkadismaya sa pinakamaingay na kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sino ba naman kasi ang matutuwa sa kandidatong puro dada, tapos gusto pang makaisa!

Sa isang pagtitipon sa Nueva Ecija, ‘di ikinatuwa ng mga dumalo ang inasal ni Gordon nang ipakilala niya ang senatorial slate. Sa una, ayos naman ang pagpapakilala sa kanyang mga “katropa.”

Ang masaklap, nang ipinakilala ang kasamahang katutubo – si dating Rep. Teddy Baguilat. Kinopya ang katutubong sayaw, sabay tawa ng may pangungutya na tila ba walang lugar sa Senado ang isang katutubo.

Ang totoo, walang ma­sama sa pagiging katutubo. Wala rin naman masama sa kanilang kinagisnang kultura. Ang problema, hindi yata bukas ang kamalayan ng senador sa malaking papel na ginampanan ng katutubo sa paghubog ng kasaysayan ng bansa. Sa madaling salita, wala siyang cultural sensitivity.

Bago pa man ang nasabing insidente, kinakitaan din ng kabastusan si Gordon nang agawan niya ng mikropono sa entablado sa isang campaign sortie sa Surigao, ang tumatayong kinatawan ng isa pa niyang kasama sa senatorial line-up nila. Ang dahilan – gusto niya, siya ang mauna.

Wala na nga siyang ­cultural sensitivity, pati ba naman gender sensitivity wala rin siya? Katunayan, hindi yata angkop ang kanyang paandar sa tuwing haharap sa mga kababaihang hinaharana niya para sa boto. Wasto ba para sa isang kagalang-galang na senador ang sasabihin sa mga babaeng kinakampanya – “Ipa­sok ninyo si Dick ha! Sa balota ha… hindi sa kung anong butas”.

Sa kanyang mga ipina­malas na kawalang respeto sa kapwa, sumibol ang panawagang ilaglag siya ng tambalang Leni-Kiko. Sa Facebook post ni Zena Bernardo, ang ina ni Ana Patricia Non na nasa likod ng Magin­hawa Community Pantry, iginiit nito na dapat ibasura si Sen. Gordon dahil bastusan ang pangkiliti nito sa mga botante.

Tila mas angkop si Gordon sa Olongapo kung saan niya kinagisnan ang sandamakmak na prostitusyon hanggang sa kanyang panunungkulan bilang alkalde ng nasabing lungsod, mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas.

Ang totoo, hindi kabawasan kahit saang partido si Gordon na wari ko’y hilig lang ay umangkas sa mga mainit na usapan para makalibre ng publicity stunt.
(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

229

Related posts

Leave a Comment