LALABAN ANG PINOY

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MAY kasabihan tayong mga Pilipino na “Kapag puno na ang salop, dapat nang kalusin” at punong-puno na ang lahing kayumanggi sa panggagago ng China sa Pilipinas partikular na sa West Philippine Sea.

Sa survey ng OCTA research, 77 percent ng mga Pinoy ang handang ipagtanggol ang kasarinlan laban sa China at kung oobserbahan mo ang resulta ng survey, habang tumatagal ay parami nang parami ang bilang ng mga Pinoy na handang ipaglaban ang bansa.

Indikasyon ito na hindi na katanggap-tanggap sa mas nakararaming mamamayan ang ginagawang harassment, pambu-bully at harap-harapang pag-agaw ng China sa karagatan na sakop ng teritoryo ng Pilipinas sa South China Sea.

Kinaya-kaya tayo ng China dahil alam nilang walang kakayahan ang ating military na tapatan ang kanilang military power pero hindi papayag ang mga Pinoy na agawin na lang nang ganon-ganon na lamang ang ating territorial waters.

Noong panahon ng mga Kastila, base sa nabasa nating kasaysayan, naubos ang pasensya ng dugong Pinoy kaya sinimulan ni Gat. Andres Bonifacio ang himagsikan laban sa mga dayuhan na nanakop sa ating bansa sa mahigit tatlong siglo.

Ang tanging armas ng mga Katipunero ay itak pero hindi sila natakot sa baril ng mga Kastila at lumaban sila hanggang nagtagumpay at napilitan ang mga Kastila na umalis sa Pilipinas kaya nakamit ang kasarinlan.

Makabago na ang mga armas ngayon at marami n’yan ang China kaya nagsiga-sigaan sila, hindi lamang sa WPS kundi sa Indian Ocean na tinatarget din nilang maangkin kaya lahat ng bansang nakapalibot sa karagatang sa mga ito ay pinainan nila ng mga proyekto para maging tuta nila.

Pero sa kabila ng ipinagmamalaking military power ng China, hindi nagpakita ng takot ang mga Pinoy at handa silang ipaglaban ang Pilipinas at hangga’t hindi tumitigil si Xi Jinping sa kanyang pagkagahaman ay mas marami pa ang titindig laban sa kanila.

Walang gusto ng giyera pero kung itutulak nang itutulak ng China ang Pinas sa pader ay lalaban at lalaban ang mga Pinoy. Maliit man ay tiyak na makapupuwing pa rin tayo, kaya saludo ako sa 77 percent ng lahing kayumanggi na handang ipaglaban ang bansa laban sa China.

May panahon pa ang nalalabing 23 percent na magdesisyon maliban na lamang kung ang mga ito ay mga “makapili” na handang isakripisyo ang bansa para sa kanilang pansariling kapakanan.

Pero palagay ko, hindi lahat ng 23 percent ay makapili. Marami pa rin d’yan ang makabayan. Kung may makapili man d’yan, palagay ko ay single digit lang at marami na sa kanila ang kilala na natin.

Ang inaalala ko lang, kahit maliit na porsyento lang sila, malaking banta pa rin sila sa ating kasarinlan dahil tiyak na ibebenta nila ulit tayo at bibigyan ng impormasyon ang kalaban sa mga galaw ng mga Pinoy kapag nagkataon.

‘Yan ang isa sa mga problema ngayon ng Ukraine dahil maraming Ukrainians ang naghuhudas sa kanilang pwersa kaya alam ng Russia ang galaw at plano nila, kaya ngayon pa lamang dapat nang hubaran ng maskara ang ibang makapili maliban doon sa mga kilala na natin.

60

Related posts

Leave a Comment