TRABAHO PARA SA BAYAN

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

LILIKHA ang pamahalaan ng master plan na layuning makabuo ng mga trabaho sa lakas-paggawa sa ilalim ng Trabaho Para sa Bayan.

Ang TPB Act o Republic Act No. 11962 na naging batas noong isang taon ay naglalayong tugunan ang problema ng unemployment at underemployment sa bansa.

Nitong Marso 12, 2024, nilagdaan na ng inter-agency council na binubuo ng National Economic and Development Authority, Department of Labor and Employment, at ng Department of Trade and Industry ang Implementing Rules and Regulations ng Trabaho Para sa Bayan Act.

Makatulong kaya ito na mapalakas ang labor force sa bansa? Sana…

Bilis-bilisan din sana ng pamahalaan na tugunan ang unemployment at underemployment. Tumaas ang antas ng unemployment sa 4.5 percent na katumbas ng 2.15 milyong walang trabahong Pilipino nitong Enero 2024 mula sa 3.6 percent o 1.60 milyon noong Disyembre 2023, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Hanap nang hanap ang gobyerno ng mga paraan para makalikha ng mga trabaho at pangkabuhayan pero sasandig din naman sa dayuhang pangangapital.

Kaya lumilipad ang mga batikos sa madalas na biyahe ng Pangulo sa ibang bansa. Wala naman daw naiuuwing grasya kundi waldas-kuwarta lang.

Natural, ipagtatanggol ito ng mga kaalyado at mga kumakapit sa pundilyo ng Pangulo. Ang mga biyahe ay magreresulta sa mga benepisyo ng mga Pilipino. Hindi raw ito lakwatsa kundi para sa ikauunlad ng bansa.

Sige na nga. Tanggapin na lang ng mga kritiko na ang lamyerda ay may katumbas na biyaya.

Tanggapin na rin ng mga nangangantiyaw ang ipinahayag ng kasangga ni Marcos na nasa tamang direksyon ang administrasyon nito tungo sa pag-unlad. Mayroon palang halos $14.2 bilyon o P790 bilyon sa mga foreign direct investment na proyekto na ipinatupad mula nang umupo si Marcos bilang pangulo. Naiuwi raw ni Marcos ang P790B puhunan sa Pilipinas. Kaya, masasabing may bunga ang pagsisikap ng Pangulo na makahikayat ng mga FDI.

Ang mga pahayag na ‘yan ay galing sa kampo, siyempre, ng admin. Pero, teka, may datos na lumabas na bumaba ang FDI ng 6.6% noong 2023 sa kabila ng kaliwa’t kanang biyahe ni Marcos.

Malaking BAKIT ‘yan. Wala bang tiwala ang mga banyagang mangangapital?

Pangako lang ata ang bitbit ni PBBM, na sanay ring mangako ng pagbabago at pag-unlad ng mamamayan.

Kung sa eskuwelahan nga ay hindi minamarkahan ng check ang pagsusulit ng estudyante kapag hindi pa nito nababayaran ang matrikula na inareglo muna ng promisory note.

Sapantaha lang ito.

Pero sa gobyerno, ang pangakong hindi tinutupad ay ekis ang markang makukuha sa sambayanan.

Kasi naman, dapat mayroong katapatan at accountability ang pamahalaan sa anomang ginagawa nang hindi pinupuna.

May malinaw at totoong paliwanag para sa halip na batikos ay suporta ng nasasakupan ang nakakamtan.

52

Related posts

Leave a Comment