LAMAT SA PAGITAN NG MGA MARCOS AT DUTERTE LUMALAKI?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

TILA tuluyan nang maghihiwalay ng landas ang mga Marcos at Duterte dahil sa magkakaibang mga pananaw sa mga isyung nangyayari ngayon sa bansa.

Unang nagpatutsadahan ang magkabilang kampo (Marcos-Duterte) kaugnay sa usapin ng confidential and intelligence funds (CIFs) ni Vice President Inday Sara Duterte kamakailan.

Kinuwestiyon ng ilang kongresista ang legalidad ng CIFs ni VP Duterte hanggang sa tuluyan na itong inalis.

Nauna nang inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang nasabing pondo para kay VP Duterte.

Kalaunan ay kinuwestiyon ng mga mambabatas dahil ang paglalaan ng pondo ni PBBM kay VP Duterte ay walang awtorisasyon ng mga kongresista.

Kinumpirma ni Executive Secretary Lucas Bersamin na ang Office of the President (OP) ay nagpalabas ng kabuuang P221.4 million sa opisina ni VP Duterte noong 2022, kasama rito ang P125 million bilang confidential funds.

Ang hakbang na ito ay nakalinya sa Special Provision No. 1 na nakapaloob sa 2022 Contingent Fund.

Inaprubahan din ni President Ferdinand Marcos Jr. ang paglilipat ng P221 million, na-categorized sa ilalim ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE).

Ang mga ito ay ang P96.424 million na in-allocate para sa financial assistance or subsidies, at P125 million na inilagay bilang confidential funds ng bagong gawang satellite offices.

Ang Office of the Vice President (OVP) ay nangangailangan ng P500 million para sa confidential funds, habang ang Department of Education (DepEd) ay kailangan ng P150 million para sa gastusin sa 2024.

Lahat ng ito ay tinutulan ng mga miyembro ng House of Representatives at Senado, dahil ito ay kalabisan at pag-aaksaya ng pera.

Dahil sa ginawa ng mga mambabatas na pag-alis ng pondo na ito kay VP Inday Sara Duterte ay umalma ang kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, hanggang sa magpatutsadahan silang dalawa ni Speaker Martin Romualdez na first cousin ni PBBM.

Dito na lumutang ang isyu na plano raw ni Speaker Romualdez na tumakbong presidente sa 2028 presidential election at posibleng silang dalawa ni VP Durterte ang magkabanggaan sa nasabing na darating na halalan.

Bagama’t walang direktang binibitiwang salita si PBBM laban kay VP Duterte ay tila pailalim naman ang ginagawa nito.

Ngayon may lumutang na namang isyu na plano ng administrasyon ni PBBM na muling lumahok ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).

Ang dating administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay umalis bilang miyembro ng ICC.

Ang ICC ay nag-iimbestiga sa ‘drug on war’ ni dating Pangulong Duterte na posibleng magpakulong kay Digong.

Kaya maraming naniniwala na ang bangayan ng dalawang malalaking pangalan sa pulitika (Marcos-Duterte) ay hahantong sa 2028 presidential election.

Pulitikang Pinoy nga naman, walang katapusan. Saan kaya pupulutin ang Inang Bayan?

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com.

177

Related posts

Leave a Comment