LESPU NAPASO SA PAGKAMPI SA DATING KABARO NA SI GONZALES

PUNA ni JOEL O. AMONGO

KUNG hindi dahil sa pagkampi kay Wilfredo “Willie” Gonzales ay hindi sana pinutakte ng batikos ng netizens si Quezon City Police District (QCPD) Director BGen. Nicolas Torre III na naging dahilan ng kanyang pagbibitiw sa pwesto.

Hindi nagustuhan ng publiko ang ginawa ni Torre na isinama n’ya pa sa kanyang press conference itong sinibak na dating pulis na si Gonzales na nambatok at nagkasa ng baril sa siklistang si Allan Bandiola.

Sabi pa ng publiko, lumalabas na binigyan pa ng VIP treatment ni BGen. Torre si Gonzales sa kabila ng ginawang mali nito kay Bandiola.

Hindi rin sana kinasuhan ni Atty. Raymond Fortun ang ilang tauhan ng Kamuning Traffic Police sa Quezon City People’s Law Enforcement Board (PLEB) kung binigyan ng patas na pagtrato sina Gonzales at Bandiola.

Ipinairal din ng mga pulis na sina PSSG Darwin Peralta, PSSG Joel Aviso, at PEMS Armando Carr, lahat mula sa QCPD Traffic Sector 4 ng Kamuning, ang VIP treatment kay Gonzales.

Ang ikinaso sa kanila ni Atty. Fortun ay Oppression, Irregularities in the Performance of Duties and Incompetence, sa ilalim ng Rule 21 of NAPOLCOM Memorandum Circular 2016 – 002.

“Despite the clear and imbalanced status of the parties, the same police officers failed to protect the rights of the cyclist when they failed to provide a legal counsel for him so that the latter would be duly appraised of his rights. Further, they failed to secure the CCTV footages in the area in order to ferret out the real facts in the conflicting statements made by the parties. Finally, and for reasons known only to them, and despite there being sufficient basis to do so, the same police officers failed to file the appropriate charges,” ani Atty. Fortun.

Sa halip ay kanila pang ipinasa sa Galas Police Station 11, samantalang ang pinagmulan ng alitan nina Gonzales at Bandiola ay may kinalaman sa trapiko.

Duda tuloy ng netizens na kaya ipinasa ang usapin sa Galas Police Station 11 dahil doon may kakilala itong si Gonzales na dati niyang mga kasamahan noong aktibo pa siyang pulis.

Maging leksyon sana sa mga pulis ang pangyayaring ito kay Gonzales na hindi porket nasa awtoridad sila, kahit mali ay palalabasin nilang tama.

Ang mali kahit kailan ay hindi nagiging tama, lalo na ngayon na aktibo ang publiko sa social media, isang video lang sa inyo ay may paglalagyan kayo.

Kayong mga nasa gobyerno, mas makabubuting mag-viral kayo sa magandang ginagawa kaysa mali para hindi kayo malagay sa kahihiyan.

Ganyan ang nangyari kay dating QCPD chief, BGen. Nicolas Torre III na dahil sa kahihiyan na kanyang inabot sa pagsama n’ya sa press conference kay Gonzales, ay siya na mismo ang nagbitiw sa kanyang pwesto.

Hindi porket ikaw ang may pinakamataas na pwesto sa Pilipinas, kahit mali ang iyong ginagawa ay sasang-ayonan kayo ng publiko.

Mas lalo kayong babantayan ng publiko dahil kayo ang itinuturing na modelo o magpapasunod ng tamang gawain,

Hindi n’yo dapat tinitingnan kung anong posisyon mayroon ang nagkasala, basta mali siya ay ipataw ang nararapat na kaparusahan sa kanya.

Sa usapin ng Quezon City Road Rage, naging dehado sa mga pulis ng QCPD ang binatukan at kinasahan ng baril na si Bandiola at naging bida pa si Gonzales.

Ang maling pagtratong ito ay pinuna rin ni Antipolo 2nd District Congressman Romeo Acop na retired police general, sa isinagawang pagdinig sa Kamara kamakailan.

oOo

Para sa sumbong at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

242

Related posts

Leave a Comment