Nitong nakaraang pagdiriwang ng Araw ng Mangagawa o Labor Day, ay naging araw ng pagdiriwang ng maraming mga OFW sa kadahilanang ito rin ang araw kung saan ay pormal na pinasimulan ang pagpaplano ng OFW Hospital sa San Fernando, Pampanga.
Magugunita na isa ang AKOOFW sa ilang organisasyon at indibiduwal na nagsusulong ng pagkakaroon ng OFW HOSPITAL o kaya ay OFW Hospital Ward sa lahat ng Regional Hospital sa buong Pilipinas. Kung kaya, isa ang inyong lingkod bilang Chairman ng AKOOFW at si Marcia Gonzalez-Sadicon bilang National President ang naimbitahan ng Department of Labor and Employment upang maging saksi sa ginanap na ground breaking ceremonies sa San Fernando Pampanga.
Ang OFW Hospital ay itatayo sa dalawang ektaryang lupain na donasyon ng Probinsya ng Pampanga sa inisyatibo ni Governor Lilia Pineda. Ayon kay kay Gov. Pineda ito ay nagkakahalaga ng mahigit 500 milyong piso, samantala ang gagastusin sa pagpapatayo ng ospital na halagang P400 milyong ay donasyon naman ni G. Enrique Anselmo Klar Razon Jr.
Ang mga kagamitan na nagkakahalag ng P200 milyon ay magmumula naman sa PAGCOR.
Sa oras na magbukas ang OFW Hospital, ito ay pamamahalaan ng Department of Health (DOH) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Sinisiguro din ni DOH Secretary Francisco Duque III na ito ay magiging libre para sa lahat ng mga OFW at pamilya ng OFW hindi lamang sa mga nasa Northern Luzon.
Sa talumpati ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo na gumanap bilang Guest Speaker ay sinabi niya na upang masiguro na mapondohan ang taunang suweldo ng mga kawani ng ospital pati na rin ang pangangalaga nito, ay kinakailangan na magkaroon ng isang batas na nagbibigay ng taunang pondo para rito, kung kaya siya ay nanawagan sa mga kongresista na magpasa ng batas ukol dito.
Kung kaya, ako ay nanawagan sa lahat ng mga OFW na siguruhin natin na maipanalo ang lahat ng OFW Party-list upang masiguro natin na mayroon tayong representatnte na makakapagsulong ng batas ukol sa OFW Hospital. Kabilang sa mga OFW Party-list ay ang TAO MUNA partylist, ACTS OFW partylist at OFW FAMILY Party-list.
Ang AKOOFW ay labis-labis na nagpapasalamat kay Gov. Lilia Pineda at kay Labor Secretary Silvestre Bello sa kanilang inisyatibo sa pagsusulong ng OFW Hospital bilang tugon sa panawagan ng mga OFW at pamilya ng mga OFW.
oOo
Ang Bantay OFW ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga OFW. Ipadala po lamang ang inyong mga sumbong o reklamo sa aking email sa ako.ofw@yahoo.com
171