Pinaglilinis ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga barangay opisyal sa kanilang kinasasakupan at binalaan na mahaharap sa parusa ang mga ito kung hindi sila maglilinis ng kanilang nasasakupan.
Ang direktiba ay inilabas ng DILG nitong Abril 30, 2019 dahil napapansin na nila ang maraming ‘dugyot’ na barangay na hindi nakikipagtulungan sa paglilinis sa kanilang lugar na nakakaapekto sa pangkalahatan.
Ang mga nakakalat kasing mga basura na ito ay napupunta sa mga daluyang tubig gaya ng kanal, ilog at napupunta rin sa ating karagatan na nakakaapekto sa mga lamang dagat na ating kinakain.
Ang sinasabi ng DILG maglalabas sila sa susunod na buwan ng listahan ng mga maruruming barangay o hindi marunong maglinis ng kanilang teritoryo kung saan tiniyak ni DILG Undersecretary Epimaco Densing na kaagad na mahaharap sa administrative sanctions ang mga opisyal ng barangay kapag hindi naging katanggap-tanggap ang kanilang paliwanag sa hindi paglilinis ng kanilang mga lugar.
Partikular na inutusan ng DILG ay ang mga barangay sa National Capital Region (NCR), Central Luzon at Calabarzon na kailangang magkaroon ng lingguhang clean up drive sa mga barangay bilang bahagi ng rehabilitasyon sa Manila Bay.
Makikita kasi na sa patuloy na isinasagawang paglilinis sa Manila Bay ang tone-toneladang basura na kanilang nahuhukay at inaahon araw-araw, na karamihan nito ay mula sa mga nakapaligid na barangay, establisemento at mga lalawigan gaya ng Cavite, Bulacan, Laguna at iba pa.
Sa programang ito napakahalaga ng tulong ng bawat barangay dahil sila ang primary unit ng ahensiya ng gobyerno na dapat na mangunguna sa pagpapatupad ng mga programa at batas ng gobyerno.
Kung baga, kung disiplinado ang bawat mamayan ng isang barangay, magiging disiplinado na rin sila kung mapunta sila sa ibang lugar tulad sa pagtatapon ng kanilang basura
May mga nadadaanan nga tayong mga barangay na ang kanilang kanal ay laging umaapaw dahil sa mga nakabarang basura tuwing lumakas ang ulan. Agad naman itong nililinis, subalit kapansin-pansin na sa tagal ng panahon,naging paulit-ulit ang ganitong eksena.
At sana sa isasagawang paglilinis na ito ay isama rin na linisin ang mga bangketa mula sa mga ilegal vendors na pinahihintulutan ng mga opisyal ng barangay na maaring isa sa kanilang ‘source of income.’
Maliban kasi sa naghahatid sila ng basura at dumi sa kalsada ay nakakasagabal sila sa mga trapiko lalo na sa mga highway ng barangay.
Sana mailagay sila sa isang lugar na may tamang pagtatapunan ng kanilang dumi at basura at hindi sila nakakaperwesyo sa trapiko.
Sana magtagumpay ang DILG sa programang ito at maging makatotohanan at hindi lamang plano na walang katuparan.
Babantayan natin ang resulta ng programang ito. (Point of View / NEOLITA R. DE LEON)
115