LISTAHAN NG MGA KINASUHAN SA SAP, ISAPUBLIKO

SIGURO dapat nang ilabas ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pangalan ng mga local officials na kinasuhan at iniimbestigahan dahil sa anomalya sa Social Amelioration Program o SAP.

Ito ay para malaman ng taumbayan kung kasama ba ang kani-kanilang Barangay Chairman o kaya ay ang Mayor nila sa mga kinasuhan.

Ang bilang ng mga Punong Barangay sa buong Pilipinas ay 42,036, 146 ang City Mayors at 1,488 naman ang Municipal Mayors.

Pero wala pang 400 na mga barangay kapitan at alkalde ang kakasuhan ng DILG dahil sa mga anomalya sa SAP 1.

Hindi rin natin alam kung sino-sino ang mga ito at wala tayong idea kung kasama ba ang Mayor at Barangay captain sa ating lugar, dahil wala tayong nakikitang listahan o masterlist man lang.

Sa probinsya namin sa Cagayan, may mga nasasagap tayong impormasyon na may mga barangay officials ang inuna sa listahan ang kanilang mga kaanak para makatanggap ng ayuda.

Mas maraming nangangailangan na pamilya ang mas mahirap kumpara sa mga kaanak ng Kapitan pero yun pa ang inuna sa listahan.

At dahil limitado ang bilang ng nabigyan ng ayuda, marami ang higit dapat na tulungan ang hindi naman nakatanggap ng ayuda.

Kaya dapat sigurong ilabas ng DILG ang listahan para may basehan ang mga tao at ihabol ang reklamo nila kung hindi kasama sa kinasuhan ang kanilang kapitan del baryo.

Siya nga pala, hindi rin sinunod sa mga probinsya ang direktiba ng DILG sa kung ano ang dapat na pagpapalabas ng listahan ng mga nakatanggap na ayuda sa kanilang barangay.

Malinaw ang direktiba sa mga barangay chairman na ipaskil sa barangay hall at sa kanilang munisipiyo ang pangalan ng mga bibigyan ng ayuda para malaman ng mga tao kung tama ba ang listahan o hindi.

May mga reklamo kasi na kasama ang kanilang pangalan sa nabigyan ng ayuda pero wala silang natanggap kaya marahil inutusan ang mga barangay chairman na ipaskil ang pangalan ng mga nakatatanggap.

Pero may mga barangay chairman ang hindi sumunod sa direktibang ito ng gobyerno kaya walang ideya ang mga tao kung sino ang mga nakatanggap.

Hindi kaya umiiwas lang ang mga barangay chairman na mabuko sila na inuna nila ang kanilang mga kaanak kesa sa mga mas mahihirap nilang kabarangay?

Kahit siguro ang mga ayuda ng ibang ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Agriculture (DA) ay ganun din ang kanilang ginagawa. Ang mga barangay chairman kasi ang dapat na magsabi kung sino ang mga makakatanggap.

Magbibigay na naman ang DA ng binhi at abono sa mga magsasaka bilang tulong sa kanila pero tiyak yung mga magsasaka na dapat tulungan ay hindi nakakatanggap sa ayudang ito.

Bakit? Dahil inuuna ni Kapitan at ng kanyang mga konsehal ang kanilang sarili, mga anak at kaanak. Karamihan kasi sa mga barangay officials sa probinsya ay magsasaka at kapag may ayuda, sila

ang nauuna. Katuwiran nila, karapatan nilang makakuha ng tulong sa national government pero kung sila na lang parati, ibang usapan na ‘yun hindi ba?

69

Related posts

Leave a Comment