LOKOHAN NA SA CHA CHA

DPA ni BERNARD TAGUINOD

KUNG ang mga impormasyon mula sa ground ang pagbabasehan, hindi lang parang kundi niloloko na ang mga botanteng Pinoy lalo na ‘yung mga (sorry sa word) mangmang o uneducated nating mga kababayan.

Isiniwalat ni Congressman Edcel Lagman na may bayad daw na P100 ang bawat botante na lalagda sa form na ilang linggo nang kumakalat sa mga liblib na lugar sa ating bansa at marami na raw ang pumirma.

Pero may mga lugar daw na ang sinasabi sa mga tao ay survey lang at ‘yung iba naman ay para magkaroon ng ayuda o maisama sa bibigyan ng ayuda kaya maraming nautong pumirma sa form.

Hindi ko alam kung binabasa ng mga pumirma ang nasa taas ng form na isa itong petisyon sa Commission on Election (Comelec) “for the proposal to amend Article XVII, Section 1(1) of the 1987 Constitution through People’s Initiatives”.

Nakasaad sa form na aamyendahan ang nasabing probisyon at magiging “The Congress, upon a vote of three-fourth of all its members, voting jointly, at the call of the Senate President or the Speaker of the House of Representatives”.

Ibig sabihin, idadaan sa Constituent Assembly ang pag-amyenda sa Saligang Batas at hindi na separate voting ang mangyayari kundi jointly kaya wala nang silbi ang boto ng mga senador kapag nag-propose sila ng amendment o kaya kinontra nila ang anomang probisyon na gustong baguhin.

Bakit? Dahil 24 lang ang mga senador sa ating bansa habang ang mga congressman ay 311 kaya itsapuwera na sila kapag nagkataon. Lalamunin sila nang buong-buo ng mga congressman.

Kung mayroong congressman na magpasok ng proposal na gawing unicameral ang sistema ng lehislasyon, buwag na ang Senado natin dahil anong laban naman ng 24 boto sa 311 na congressman?

Pero ang nakababanas lang, ‘yung parang panlolokong ginagawa sa mga botante dahil ipinalalabas na survey ito o kaya para magkaroon sila ng ayuda. May balita pa nga na may dalang bigas ang mga nagpapapirma na tig-2 kilo at bago nila makuha ang bigas ay pipirma para sa attendance. Buwisit ‘di ba?

Tiyak ko na ang tanging tatargetin na petitioners kuno sa PI na ito ay ang mahihirap nating mga kababayan at hindi ang mga may pinag-aralan at nakaiintindi sa sitwasyon at nangyayari sa ating bansa at lipunan.

Tuwing eleksyon, gamit na gamit ang mahihirap ng mga pulitiko kaya sila ang tinatarget na ligawan at hindi ang mga middle class. Ang mga pobre ang talagang nagluluklok sa kanila sa kapangyarihan.

Ngayong gusto ng mga pulitiko na mapalawig pa ang kanilang termino ay ang mahihirap pa rin ang ginagamit nila. Gamit na gamit ang mga pobre at hindi na nakararamdam ng hiya ang mga pulitiko.

Pero malaki ang kasalanan ng mas nakararaming botante dahil hindi sila pumipili ng matinong kandidato. Kung sino ang sikat ay siya nilang ibinoboto. Tingnan niyo ang ibinoto nila noong nakaraang eleksyon… sa Senado.

107

Related posts

Leave a Comment