LOOK WHO’S TALKING?!!!

PRO HAC VICE
0

GANITO kasi ‘yon mga ka-SAKSI at mga kabalat ko. Hi­nimok ng mga taga-oposisyon ang mga Filipino na magsama-sama raw para labanan ang lawfare o paggamit ng pamahalaang Duterte sa mga batas bilang sandata para gipitin at patahimikin ang mga kritiko nito.

Ang mga nanawagan ay ang napatalsik na dating punong mahistrado ng Korte Suprema na si Atty. Maria Lourdes Sereno, pangalawa si dating senador na balik simpleng mamayan na ngayon na si Antonio Trillanes IV at Atty. Jose Manuel Diokno.

Sinabi ni Sereno, panahon na para magbuklod-buklod ang lahat ng Pinoy at lumaban para sa kabutihan ng bansa upang matigil na ang walang katuturang panggigipit ng administrasyon.

Ayon pa sa dating punong mahistrado, “inaatake na ng pangulo ang reason, science at ang Diyos” kaya’t kailangang magkaisa ang mga mamamayan na siyang may tunay na kapasidad upang magdesisyon para sa kinabukasan ng bayan.

Banat naman ni dating senador Antonio Trillanes IV sa mga pinoy na kailangan daw labanan ang pambabastos ng pamahalaang Duterte sa batas at demokrasya na bagama’t nangyari na raw nang mga nakalipas na administrasyon ay mas lumala raw ito sa panahon ng panunungkulan ni Duterte.

Umupak naman si Atty. ­Diokno na “walang basehan ang kaso ng pamahalaan laban sa mga kritiko nito at iginiit na dapat nang matigil ang paglapastangan sa batas para tumahimik ang mga nasa kabilang bakod.

Mga ka-SAKSI, hindi ba’t nakakaawa naman ang tatlong personalidad na ito dahil sa halip na punasan nila ang mga putik sa kanilang mga mukha ay pinuna nila ang putik sa mukha ng iba.

Hindi ba’t kaya nasibak bilang punong mahistrado si Se­reno ay dahil niloko niya ang mismong institusyong tumangkilik sa kanya sa hindi pagsusumite ng tamang statement of assets, liabilities and net worth (SALN).

Ilang coup d’etat ba ang ginawa ni Trillanes upang mapabagsak ang Arroyo administration?

At si Atty. Diokno, di ba napagalitan ng SC dahil sa pagsasama ng mga pangalan ng mga umanoy mangingisda bilang mga petitioner sa inihaing niyang writ of kalikasan petition laban sa pamahalaan pero multo naman pala dahil hindi maipresinta sa hukuman ang mga mangingisda?

Ang lakas naman ng loob manawagan na magbuklod- buklod ang Filipino para ipaglaban ang ating kalayaan at ang Saligang Batas na sila mismo ay isa rin sa mga lumalabag nito.

Huwag ninyong gamitin ang ating mga kababayan para sa inyong sariling interes. Mahiya kayo!!! BERT MOZO

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment