LOVELIFE NG PINOY APEKTADO RIN NG INFLATION

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

DUMAMI raw ang walang lovelife ngayon, ayon sa survey ng SWS.

Noong 2022 ay 10 percent lang ang nagsabi na bokya sila pagdating sa Pag-ibig. Pero nitong Disyembre ng nakaraang taon ay umakyat na ang bilang sa 19 percent.

Hindi naman nakapagtataka ‘yan dahil sa hirap ng buhay ngayon marami ang nagdadalawang-isip pagdating sa pag-ibig.

Sabi nga, dagdag gastos ang magkadyowa.

Mahal na nga ang pagkain at mga serbisyo ngayon kakayanin pa ba magdagdag?

Kaya naman sa survey pa rin, lumabas na pera ang nangungunang gustong matanggap na regalo ng mga tinanong.

Pangatlo lang ang bulaklak na noong araw ay tila langit na sa pakiramdam ng kababaihan kapag ito ang natanggap.

Heto nga at may dagdag na pasakit sa puso ng consumer dahil plakda ang hinihirit na tapyas sa presyo ng bigas.

Huwag nang umasa dahil mismong Department of Agriculture ang nagtuldok sa hangad ng mga konsyumer na bumaba ang presyo ng pangunahing pagkain ng mga Pilipino.

Paliwanag ng isang opisyal, hindi dapat pagtuunan ang presyo ng bigas kundi ang supply.

Rason ni Agriculture Undersecretary Roger Navarro, magkakaroon ng problema kapag kinapos ang supply ng bigas sa bansa.

Susme, hindi ba problema na dapat pagtuunan ng pansin ang mataas at tumataas pang presyo ng nasabing butil?

Nagbigay pa ng dahilan ang opisyal eh paltos na rason naman. Impertinente at walang pakundangan.

Ginawa pang sangkalan ang presyo ng bigas sa Vietnam at Thailand na hindi raw nagkakalayo sa presyo sa Pilipinas.

Mahal din pala ang bigas sa Vietnam. Kung gayon, mas magmamahal ang bigas sa Pilipinas dahil sa Vietnam umaangkat.

Binibigyan lang ng katwiran ang importasyon ng bigas, na hindi naman nagpapababa sa presyo nito sa Pinas.

Supply ng bigas kasi ang dapat daw problemahin at hindi presyo.

Ang hindi katanggap-tanggap ay ang ilohikal na pahayag ng opisyal na mas mabuti nang may bigas na P56 kada kilo kaysa presyong P42 na wala.

Ano itong iniulat ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel sa Presidente na matatag ang supply ng mga pagkain sa bansa kaya walang dapat ipag-alala ang publiko?

Sapat daw ang imbak na bigas na inangkat mula sa ibang bansa, bukod pa sa inaasahang lokal na supply sa darating na anihan.

Ang gulo, ano?

Mas madali namang tugunan ang presyo ng bigas dahil wala naman palang problema sa stock at supply.

Pwede namang pagsabayin ang pagresolba sa dalawang problema.

Sa pagkain napupunta ang malaking tipak sa kinikita ng karaniwang manggagawa, at bigas ang kumakain ng malaking parte ng inilalaan na badyet sa pagkain.

Ang mataas na presyo ng bigas ay lalong nagpapanipis sa halaga ng kakarampot na kita ng mga pamilyang maralita.

Tiis-tiis habang kaya pa.

Ang tanong: kaya pa ba o pilit na kinakaya?

43

Related posts

Leave a Comment