SISIKAT BA ANG ‘YOUNG GUNS’ NG KAMARA?

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MAY itinatag na grupo sa Kamara na tinawag nilang “Young Guns” na siyang pinagsasalita ngayon sa Charter Change at iba pang mga isyu sa lipunan tulad ng Mindanao secession, at sumasagot sa mga banat ng mga senador.

Chopsuey ang grupong ito dahil ayon sa kanila, hindi lang mga lalaking solon ang kanilang miyembro dahil may mga babae rin na hindi pa lumalantad o hindi pa pinapangalanan. Baka nahihiya pa sila.

Baka gusto nilang gayahin ang “Spice Boys” at “Bright Boys” na malayo na ang narating sa kanilang political career dahil sumikat sila nang husto dahil sa kanilang kakulitan at katalinuhan at walang kaartehan sa katawan.

Ang neophyte congressmen noon na sina Migz Zubiri, Mike Defensor, Ace Barbers at Rolando Andaya Jr., Hernani Braganza, Ricky Sandoval II at Magi Gunigundo ay binansagan ni dating Inquirer reporter Rocky Nazareno bilang “Spice Boys” dahil noong dumating ang mga mambabatas na ito sa Kamara ay kasikatan pa noon ng “Spice Girls”.

Hindi dahil marunong kumanta ang mga congressman na ito kundi dahil sa kanilang pagkukulitan at seryoso sa kanilang trabaho at hindi sila mahirap pagsalitain sa mga isyung panlipunan.

May grupo rin ng mga reporter ang nagbansag bilang “Bright Boys” sa mga abogadong sina Chiz Escudero, Alan Peter Cayetano, Gilbert “Gibo” Teodoro at JJ Romualdo ng Camiguin, dahil sa seryoso at aktibo sa plenaryo tulad ng “Spice Boys” pero ang pagkakaiba nila, mas makukulit ang “Spice Boys” habang seryoso ang “Bright Boys”.

Parehong malapit ang dalawang grupong ito sa media. Hindi pa uso noon ang text messaging pero madali silang ma-interview dahil nakikihalubilo sila sa mga kagawad ng media at nakikipagkulitan sila.

Ewan ko kung kaya ring gawin ng “Young Guns” na makipagkulitan, makipagkuwentuhan at makipagtsismisan sa media dahil noong panahon ng “Spice Boys”, sila ang nagbibigay ng mga impormasyon sa kanilang mga kasamahan tulad ng “ang lakas pala lumamon si ganyan (congressman)”.

Lalo na si Mike D, ang lakas mang-asar at mang-alipusta. Kahit ang mga kasamahan niya sa “Spice Boys” ay inaalipusta niya kaya tawanan nang tawanan kapag nakikipagkulitan sila sa mga kagawad ng media. Walang dull moment, ika nga.

Kung kayang gawin ng “Young Guns” ang mga istilo ng “Spice Boys” at “Bright Boys”, malamang sisikat sila pero kung mailap sila sa media, mahirap silang ma-interview at nagsasalita lang kapag pinagsalita ay walang magiging senador sa kanila, walang magiging Gabinete sa kanila.

Saka mukhang hindi maganda ang pangalang “Young Guns” dahil sa pelikulang “Young Guns” sa Amerika, isang gang ito na naghiganti at kalaunan ay naging kalaban at tinugis ng mga awtoridad.

Mas maganda siguro kung isabay sa mga nauuso ngayong K-Pop group tulad ng “Black Pink”, “Red Velvet” o “Momoland”. Bakit hindi tawagin ang kanilang grupo na “Black Brown”dahil puro naman sila kayumanggi?

 

44

Related posts

Leave a Comment