LTMS NG LTO DAGDAG PASAKIT

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

HINDI raw nakagiginhawa sa halip ay dagdag pasakit pa sa mga tsuper at operator ang Land Transportation Management System (LTMS), ang online portal ng Land Transportation Office (LTO).

Kaya naman plano raw maghain ng kaso sa korte ng mga organisadong transport group sa bansa para pigilan ang operasyon ng LTMS.

Ang reklamo, dagdag pasakit lang sa mga stakeholder at magdudulot lamang umano ng korapsyon ang hakbang na ito ng LTO sa halip na pagluluwag sa sistema ng vehicle registration at renewal ng driver’s license.

Sinabi mismo ni Ariel Lim, presidente at national convener ng National Public Transport Coalition (NPTC), na nagpadala na sila ng demand letter sa LTO na copy furnished ang Office of the President, Senado at Kamara para suspendihin ang operasyon ng LTMS.

Naniniwala ang lider ng NPTC na ang implementasyon ng LTMS ay nagdulot lamang ng mas maraming problema sa public transport operators at drivers lalo na sa mga walang kaalaman sa technical o paggamit ng computer na mga tsuper at operator.

Alinsunod kasi sa proseso sa ilalim ng LTMS, para makapag-apply online ng mga kailangan sa LTO ay gagastos muna ang mga driver at operator ng dagdag P100-P200 sa mga taga-LTO o kaya fixer para gumawa ng kanilang account at magrehistro online.

Ibig sabihin, hindi serbisyo sa publiko ang hangad ng LTMS kundi para kumita, ayon din yan sa mga stakeholder.

Mukhang may punto ang transport group dahil base sa usapan, ang pagbabayad sa mga transaksiyon sa LTMS ay magagawa lamang sa pamamagitan ng PayMaya na may dagdag charges sa mga driver at operator na P75 bilang service fee.

Paglilinaw pa ng LTMS na ang PMVIC ay walang basehan sa ating batas dahil hindi mo maaaring puwersahin ang isang car owner na ipa-inspeksyon ang kanyang sasakyan sa PMVIC.

Dapat tingnan din ng Malakanyang, Senado at Kamara ang negatibong epekto ng programang ito ng LTO.

Para kasing kinukunsinti lang nito ang korapsyon imbes na mawalis dahil sa diretsahang proseso ng aplikasyon sa LTO at hindi na dumadaan pa sa mga portal na halata namang sasahod lang mula sa pinaghirapan ng mga motorista.

Nasa kumunoy na ang PNP

Lagi na lang sinasabi ng mga nauupong hepe ng Philippine National Police (PNP) na lilinisin ang kanilang hanay at ibabalik dito ang respeto at tiwala ng taumbayan. Pero sa kasalukuyan, lalong lumalabo ang malaon nang pangarap na ito.

May pag-asa pa ba ang PNP? Masahol pa sa kumunoy ang kinasasadlakan nila ngayon.

Kahapon ay nagsalita na rin sa wakas si PNP Chief Rodolfo Azurin Jr. kaugnay sa kontrobersyal na ‘cover-up’ umano sa kaso ng dinismis na si Police Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr.

Ang sabi niya, walang cover-up na nangyari. Taliwas ‘yan sa naunang sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalos.

Kahit nagsalita na si Azurin pabor sa kanyang mga kasama, napakarami pa ring tanong na kailangan sagutin. Masyadong malalim ang kwento sa likod ng pagkakabisto sa P6.7-billion worth of shabu mula kay Mayo noong 2022.

 

217

Related posts

Leave a Comment