LUMAMBOT SI BATO?

BISTADOR ni RUDY SIM

MARAMING netizens ang dismayado sa isinagawang Senate inquiry kaugnay sa kontrobersyal na paglabas ng dokumento na nag-uugnay kay Pangulong Bongbong Marcos at aktres na si Maricel Soriano sa isang impormasyon di-umano ng isang confidential informant noong 2012.

Matatandaang isang presidential aspirant na hindi pinangalanan noong nagdaang presidential elections ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang gumagamit umano ng ilegal na droga at ngayong taon lamang ay binasag na ni Duterte ang nasabing palaisipan sa isang peace rally, at sinabing nakita niyang nasa listahan ng PDEA si Marcos Jr.

Hanggang ang isang sikat na vlogger na si Maharlika ang naglabas ng dokumento sa social media at sinabing ang ipinadala umano sa kanya ay isang highly confidential. Ito ay kopya ng Pre-Operation Report na may logo ng PDEA at pirmado ng isang dating agent na si Jonathan Morales.

Ngunit tila walang impact ito sa mga tao na inakalang pekeng dokumento na hindi pinansin ng publiko dahil sa wala itong control number. Hanggang sa buong tapang na lumabas si Morales sa isang programa ni Maharlika at sa pagdinig na ipinatawag ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa sa Senado, na inabangan ng marami at sa pagkakataong ito ay nakakuha ng suporta mula sa taumbayan si Morales.

Pinanindigan ng dating ahente ng PDEA na hindi peke ang dokumento dahil siya mismo umano ang gumawa at pumirma noong 2012 upang magawan ng kaukulang legal papers, upang magsagawa ng surveillance o pag-aresto na hindi naman natuloy dahil hinarang umano ito ni dating Executive Secretary Paquito Ochoa.

Mayroong pagkakataon na tila hindi nakapaghanda at nasorpresa si PDEA Chief Virgilio Lazo nang ituro ni Morales na bago pa man ang Senate hearing ay tinawagan siya ng isang Director Francia na dati nitong opisyal, na sinabing itanggi na lang niya na mayroong ganoong dokumento sa pag-iingat ng ahensya, na nag-leak.

Marami ang humanga kay Morales dahil sa kanyang katapangan, isa laban sa buong puwersa ni Lazo, ngunit hindi ito nagpatinag, kaya naman ay character assassination ang pinuntirya ng hepe ng PDEA laban kay Morales, na wala naman kinalaman sa isyu, at tila nagsilbing abogado ni BBM si Lazo sa naturang hearing imbes na imbestigahan kung may katotohanan nga ba ang paratang sa Pangulo na nakitang gumagamit umano ng ilegal na droga.

Supalpal nga naman ang dating heneral na dating hepe ng PNP-SAF na si Lazo kay Morales, at sinabi ng huli na naintindihan niya ang kanyang mga dating kabaro dahil ang nasasangkot sa isyu ay ang taong naglagay sa kanila sa puwesto.

Maraming netizens na nakapansin na tila naging malambot si Senator Bato sa kanyang mga katanungan sa ipinatawag na resource persons. Ngayong Mayo 7 ay muling aabangan ang bakbakan sa Senado at sana’y magkaroon ng linaw kung dapat bang humarap ang mga inaakusahan sa isyu.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

48

Related posts

Leave a Comment