LUPANG INI-AWARD SA MGA MAGSASAKA, BINAWI DAHIL SA ILEGAL NA PAGBENTA

BISTADOR ni RUDY SIM

SA tuwing mayroon tayong nakikitang mga maralitang kababayan natin na halos nakikipagpatayan sa mga tagasunod lamang ng batas upang mapanatili ang seguridad at kapayapaan sa mga lugar na kailangang i-demolish, ay naaantig ang ating damdamin ngunit hindi lahat ay biktima ng kalupitan kundi sila mismo ay biktima ng sindikato na sinasamantala ang kanilang kahinaan upang ang lupang ipinagkaloob sa kanila ng gobyerno ay ibenta na mahigpit na ipinagbabawal sa batas.

Ganito ang nangyari sa isang demolisyon na ipinatupad ng lokal na pamahalaan ng Angeles City, Pampanga, matapos iniutos ng korte na lisanin ng mga residente ang 37 hectares na lupain na dating ipinagkaloob ng gobyerno sa mga magsasaka noong 1998.

Nag-ugat ang pagbawi nang matuklasang ibinenta ang ipinagkaloob na Certificate of Land Ownership Award (CLOA) na para sana makatulong sa mga magsasaka ng Sitio Balubad na proyekto ng pamahalaan na mapalago ang agrikultura.

Ngunit matapos ang tatlong taon, sa hindi inaasahang pangyayari ay natuklasang ibinenta ng beneficiaries ang lupa upang tayuan ng malalaking bahay, commercial establishment, hotel imbes na sana ay isang sakahan.

Dahil dito, nakialam na ang Supreme Court (SC) upang bawiin ang ipinagkaloob na CLOA dahil sa nakitang paglabag sa kasunduan ng beneficiaries na dapat sana ay para sa mga magsasaka.

Hanggang noong 2020 ay nakuha ng developer na Clarkhills ang legal na pagmamay-ari ng lupain para na rin sa pagpapaganda sa naturang lugar na sinuportahan naman ng Department of Agrarian Reform (DAR), makaraang maraming nakitang nilabag sa lupang dapat sanang naging taniman ng mga magsasaka.

Inamin naman ng beneficiaries sa lugar na alam nilang bawal ibenta ang lupa at ang kasunduan sa CLOA ay magtanim, ngunit hindi umano ang mga ito nakatanggi sa malaking halaga ng salapi na inialok sa kanila na ibenta ito kahit bawal.

Sa kasalukuyan ay ipinatutupad pa rin ng demolition team ang legal na hakbang at peace and order ng pulisya sa kabila ng naiulat na karahasan na ikinasugat ng ilan dahil sa pambabato ng ilang mga residente.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

49

Related posts

Leave a Comment