MAAGA PA PARA MAGBUNYI

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

AYOS ang mensahe na bumaba na ang bilang ng text scams na naitatala sa bansa mula nang maisabatas ang Subscriber Identity Module o SIM Registration Act.

Sa datos na inilabas ng National Telecommunications Commission (NTC), bumagsak sa 100 mula sa dating 1,500 kada araw ang reklamo laban sa text scams na naitala bago ipatupad ang RA 11934.

Pero, maaga pa para magbunyi dahil marami pa rin ang 100, at baka karamihan sa nagreklamo ay nalansi ng mga scammer. Masaklap kung ganun sapagkat malamang ang naiskam at nadenggoy ay mga purdoy.

Ayon kay Senator Grace Poe, chairman ng Senate Committee on Public Services, dapat ipokus ng National Telecommunications Commission at telcos ang atensiyon sa registration ng SIM Card at pagsugpo sa lahat ng uri ng text scam dahil nararamdaman na ng publiko ang benepisyong dulot ng SIM Registration Law.

Subalit, marami rin ang duda sa sinasabing 93.3 porsyento na binagsak ng nagrereklamo ng text scam kada araw dahil higit sa isang text scam bawat araw ang kanilang natatanggap.

Nag-iba ang anyo ng panlalansi ng nang-iiskam. Mayroon nang pang-casino.

Mapanghahawakan ba ang kredibilidad ng inilabas na datos? Maaari, ngunit maaari ring isang gimik na panghihikayat para magparehistro na ang mga subscriber.

Bumaba nga ba ang bilang ng text scams mula nang ipatupad ang SIM registration?

Marahil, pero malamang dumayo at lumipat lang ang ibang scammer sa ibang platform o apps.

Doon maghahasik ng lagim, ika nga.

Malamang din na nasanay na ang binibiktima at dinededma na ang mga tsetseburetse ng mga manloloko. Kesa magreklamo, naghahanap na sila ng ibang opsyon laban sa nambubuwisit.

Inihayag din ng NTC na ang kabuuang bilang ng mga nakapagparehistro na ng SIM sa bansa ay umabot na sa 42.7 million.

Ito ay 25.2 percent ng kabuuang 168 million na aktibong SIM na mayroon sa bansa.

Kung lagpas dalawang buwan nang umiiral ang SIM registration at sangkapat pa lang ng 168 milyon ang tumalima, malabong makahabol sa deadline ang 125.3 milyon. Kaya bang mairehistro ang 125.3 milyong SIM sa nalalabing 41 araw? Itinakda ang deadline ng SIM registration sa Abril 26, 2023.

Extension ang kailangan. ‘Di pala kaya pero nagtakda ng maikling panahon. Ikokompromiso at babanatin uli ang mga araw na perwisyo dulot ng mga iskamer.

Mapagbibintangan tuloy na walang isang salita ang nasa likod ng deadline na ito.

Sabagay sanay ang mga Pinoy sa rush hour.

Pumapalag na kay Duterte

Nagkaroon na yata ng lakas ng loob ang mga senador na sisihin ang administrasyong Duterte hinggil sa problema sa bakuna.

Ayon kay Sen. Francis Tolentino, chair ng Senate Blue Ribbon Committee, ang kabiguan ng nagdaang administrasyon na isama ang Department of Health (DOH) sa mga negosasyon sa pagbili ng COVID-19 vaccines ay maaaring sanhi ng mga problema ng vaccination drive ng pamahalaan.

Ayan, inihahanda na ng komite ang ulat at tinatalakay ang posibleng kasong isasampa sa mga nag-apruba ng kontrata sa pagbili ng mga bakuna.

Diskusyon na walang patutunguhan o nakababahala na walang mananagot at maparurusahan.

Hanggang sisihan na lang ba kaya ng mga mambabatas sa kapalpakan ng nagdaang administrasyon o handa na silang suwagin ito?

Aba, maaaring umabot sa 60 milyon mula sa dating tinatayang 40 milyong doses ang pasong COVID-19 shots.

Ngunit ang milyong tanong: Ang maliliit lang ba ang itatapon sa bunganga ng leon habang isasalba ang dating nasa trono?

112

Related posts

Leave a Comment