BUMAHA NG MILYONES SA BI FINGERPRINT SECTION?

BISTADOR ni RUDY SIM

SA pagtatapos ng taunang annual report para sa lahat ng mga dayuhang naninirahan sa bansa kung saan tinatayang sangkaterbang buhos ng mga dayuhan ang nagtungo sa itinalagang lugar at bumuhos din ang daan-daang milyones na salapi na napunta sa bulsa ng isang opisyal umano ng fingerprint section ng Bureau of Immigration.

Pinakamarami sa bilang ng mga dayuhang nagtungo sa BI upang mag-report sa kanilang status ay ang mga Chinese national na hawak ng malalaking travel agency at maging ng Chinese chamber na nagpondo umano at nangasiwa sa ahensya upang maging mabilis ang proseso?

In other words parekoy, VIP ang kanilang mga kliyente. So paano ang naging Cashsunduan?

Ayon sa nakuha nating sumbong, ito umanong isang babaeng empleyado ng BI na nakatalaga sa fingerprint section ang nangangasiwa dito at nagbigay ang mga travel agency at ang Chinese chamber ng halagang P8K sa bawat Chinese? Hmm… hindi lamang ito paisa-isa kundi grupo ang nagtungo sa SM MOA at Robinsons kung saan isinagawa ang annual report dahil sa maliit na kapasidad ng BI main office sa Intramuros, Manila.

Sa halagang P8K sa bawat Chinese at sa libo-libong nagtungo sa annual report ay talagang mayroon na namang mga opisyales ng BI ang kumita dito dahil hindi ito pumasok sa gobyerno ngunit kumita rin ang ahensya sa binayarang fees ng mga dayuhan.

Ang siste mga parekoy, nagkamali umano ng pagkakilala ang mga kawani ng BI sa babaeng opisyal na ito na nakatalaga sa fingerprint section, dahil sa pagiging maka-Diyos nito na sa likod pala ng anino ay mayroong nakatagong buntot at sungay.

Mula sa ilang taong magkasunod ay ginawaran pa umano bilang model employee ang babaeng ito dahil sa kanyang mga nagawang pangongolekta ng kotong sa mga dayuhan, este sa pagiging tapat naman kuno nito sa kanyang trabaho.

Saan at sino pa kaya ang nakinabang sa milyones na kinita nito? Mayroon pa kayang ibang opisyal ang nabahagian?

Suwapang! Ito ang hinanakit ng mga ordinaryong tauhan ng fingerprint section dahil sa laki umano ng kinita nitong si alias “Rolling stone” ay daig pa nito ang Ilokano sa pagiging barat dahil ang ibinahagi lamang sa kanyang mga tauhan na naghirap magtrabaho, ay tumataginting lamang na P1K bawat isa? Ano ‘yan madam, pambili ng donut?

Kasabwat umano nitong si alias “Rolling stone” ang isang baklitang Immigration officer na pamangkin ng isang mataas na opisyal ng BI na si alias “Madam Inutz” na walang inatupag sa gitna ng kanyang edad kundi ang kanyang sikretong love life kay alias “Mr. Lao”.

Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text ako sa 09158888410.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

 

304

Related posts

Leave a Comment