MABOBOKYA TAYO SA ITLOG

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

IBIBENTA na raw ng per kilo ang itlog?

Inirekomenda ng isang mambabatas na gawing per kilo ang bentahan ng itlog para magkaroon ng pamantayan na timbang para sa sukat at presyo ng itlog.

Sinakyan ng mambabatas ang pahayag ng Department of Agriculture na nagkakaroon ng dayaan sa bentahan ng itlog dahil hindi alam ng mga konsyumer paano naitakda ang presyo ayon sa sukat nito.

Dahil din daw sa reklamo ng mga mamimili sa kalituhan sa tamang presyo at laki ng binibili nilang itlog kaya nagkaroon ng panukala.

O sige, pwede kung pwede ang per kilo na bentahan, ngunit mangingitlog ito ng pagdududa sa gustong magkaroon ng itlog sa timbangan. May mga pagkakataon na nagkakaroon ng suspetsa ang mga mamimili sa katumpakan ng timbangan.

Pero, may disbentahe ang per kilo na bentahan, na mas lamang kaya sa paborableng ginhawa ng nakasanayan nang bentahan ayon sa sukat.

Sa tagal na ng mga nagbebenta ng itlog ay bihasa na sila sa pagtakda ng presyo nito. Sa tingin at haplos lang nila sa itlog nila ay alam na nila gaano ito ibibenta.

Wais ang mga mamimili. Pag maliit ang mga itlog ay ipipilit nang husto ang timbang ng eggshell.

Mas maraming itlog, mas mabigat na balat ang masasayang.

Sabagay, maraming pakinabang ang balat ng itlog lalo sa pagpapayabong at pagpapabulaklak ng halaman, ngunit sa sitwasyong hirap ang tao kaya nagtitipid ay iisipin din ba nila ang para sa tanim?

Maayos na ang bentahan kada piraso, eh bakit babasagin pa ng panukalang per kilo.

Bugok na itlog ang nagsusulong nito.

Uso ngayon ang bugok na itlog, as in zero o bokya.

Wala na ang confidential funds para sa Office of the Vice President at DepEd.

Bokya na si Inday matapos ang bicam.

Wala na ring planong ibalik ang CIFs na tinanggal sa civilian agencies sa bicameral conference committee ng panukalang P5.768 trilyong pondo sa 2024. Maliban na lang sa pondo ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Balik tayo sa tunay na isyu ng itlog.

Payag ka ba na sa pagbili mo ng itlog ay titimbangin na ito? Saan kayo, sa per kilo o kada piraso ang bentahan ng itlog sa merkado?

108

Related posts

Leave a Comment