HABANG lalong nagiging popular sa ating mga Pinoy ang mga online shopping application sa ating mga computer at mobile phone ay lalo ring dumarami ang mga scammer na pumaparaan upang lokohin ang ating mga kababayan.
Ang mas masaklap, napasukan na rin ng mga scammer ang mga lehitimong mga online shopping platforms na gaya ng Lazada at Shoppee kaya napakarami sa ating mga kababayan ang nagogoyo.
Bagama’t marami namang mga maayos na mga transaksyon sa online shopping at nade-deliver naman nang maayos ang mga pinamimili ng mga kababayan natin, may mga nakakalusot pa ring mga panloloko.
Ang mas mahirap nito ay lusot sa anumang pananagutan ang mga ganitong online shopping apps dahil halos lahat ng mga binebenta rito ay mga pino-post lamang ng mga kliyenteng sellers.
In short, hindi nasasala nang husto ng mga ganitong online selling apps ang mga taong gustong gumamit sa kanilang site upang magbenta ng kanilang mga produkto.
At upang matiyak na hindi tayo nabibiktima ng scam kapag namimili online, mas mabuting maging maingat tayo sa ating pamimili.
Halimbawa, kapag tayo ay nag-order online, mas maigi pa rin na Cash on Delivery o COD ang ating pamamaraan ng pagbabayad sa halip na gumamit ng credit card. At kapag dumating na ang courier upang i-deliver ang ating pinamili, ugaliin natin na buksan ito sa harap ng nag-deliver at tiyakin na tama ang ating pinamili.
May mga ilan na tayong mga narinig na mga horror stories tungkol sa mga pangyayari na mali o dili kaya ay defective ang mga nade-deliver na item at dahil hassle naman masyado kapag ibalik pa ito, marami sa ating mga kababayan ang ipinagkikibit-balikat na lang ito.
Bago natin i-click upang bilhin ang isang item, maganda na basahin muna ang mga reviews ng bumili sa seller. Ang feedback ng mga customer ang isa sa mga matibay na batayan kung maayos katransaksyon ang isang seller.
Maganda rin na basahin nating mabuti ang detalye ng mga ibinebenta bago natin ito bilhin sa halip na umaasa sa naka-post na litrato.
Malimit kasi ay iba ang nakalagay na litrato kaysa aktwal na specs ng ibinebentang item. Halimbawa na lang sa Lazada na kung saan nakalagay ay isang GoPro Hero 6 ang ibinebenta pero kapag basahin mo ang detalye ay isang generic na action cam lang pala ang benta.
Maliban sa mga mangilanngilang kaso ng mga panloloko, I would say na napakalaking ginhawa para sa marami sa atin ang online shopping lalo pa’t napakahirap ngayon ang pumunta sa mga mall dahil sa napakatinding traffic at sa napakamahal na parking.
Gayunpaman, kinakailangan natin na maging maingat at maging mapanuri sa ating pamimili upang tayo ay hindi magsisi. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)
182