MAGDAMAGANG SUGAL TALAMAK SA ERYA NI PRO4A RD PBGEN. NARTATEZ

BALYADOR ni RONALD BULA

PATULOY tayong nakatatanggap ng reklamo hinggil sa umano’y pamamayagpag ng magdamagang sugal na drop ball, color games, baklay at roleta sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon (CALABARZON o Region 4A).

Hiling nila kalampagin ko raw si Calabarzon PRO-4A Regional Director PBGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., na ipatigil ang inuumagang sugal na drop ball, color games, baklay at roleta partikular na sa may Barangay Alalingan at Poblacion Cuenca, Batangas na may dalawang metro lamang ang layo sa police station, sa Barangay Lanatan, Balayan; Barangay Inosloban, Lipa City; Barangay Aplaya, Bauan; Barangay Lanatan, Balayan; Poblacion ng Sto. Tomas, Batangas; Barangay San Pedro, Sto. Tomas, Batangas; Mataas na Kahoy tapat ng Barangay Hall, Bayan ng Laurel sa tabi ng police station at simbahan ng Don Luis San Jose, Batangas; Biñan Laguna; Barangay Sto. Tomas, Barangay Kalaboso, Sto. Domingo, Balibago; Sta. Rosa, Laguna Sport Complex; Barangay Pangao Ibaan, San Juan, Lemery, Padre Garcia, Pacific Mall sa Lucena City, at Sitio Pulong Diablo, Barangay San Isidro, Montalban, Rizal na sinasabing talamak at madalas ang kaguluhan.

Giit ng source ang umano’y pananahimik ng nabanggit na police official gayong lantaran sa kanyang hurisdiksyon ang operasyon ng sugal na kung tawagin ay ‘Pergalan’ na ang iba ay nasa tabi mismo ng barangay hall at police station.

Sinabi rin ng source, tila hindi naging epektibo ang ‘No Take’ Policy ni PNP chief, Gen. Rodolfo Azurin Jr., maging ang babala nito sa kapulisan na tatanggalin at kakasuhan ang sinomang pulis na sangkot o protektor ng sugal.

Tila balewala rin ang ‘marching order’ ni DILG Secretary Benhur Abalos na nagbabawal sa lahat ng mga opisyal ng gobyerno at kapulisan na tumanggap ng pabor (PAYOLA) mula sa mga gambling operator.

Dagdag pa ng source, hindi umano kinonsidera ng kapulisan ang kapakanan ng mamamayan na naghihikahos na nawalan ng trabaho at pangkabuhayan dulot ng nagdaang pandemya bagkos ay itinutulak pa umano ang mga ito sa bisyong sugal na dapat pambili na lamang ng bigas.

Samantalang kaakibat ng pamumuno sa organisasyon ay ang responsibilidad at ang mabigat na pananagutan, kaya ang PNP regional director, mga provincial director at chief of police na nabigyan ng kapangyarihan sa bisa ng mandato ng “police service” ay may pananagutan batay na rin sa doktrina ng command responsibility.

Kaya kung sakaling may pagkukulang at pagpapabaya nga sa kanilang tungkulin ang nabanggit na police official na nakasasakop sa mga nabanggit na lugar dahil sa ‘di pag-aksyon nito laban sa magdamagang operasyon ng sugal, ay pagpapabaya sa tungkulin ang tawag dito.

Kaya kung nagpapabaya nga si Gen. Nartatez at walang kakayahang supilin ang ilegal na sugal na itinuturing na notoryus kung saan marami na ang nabuang at naging adik sa sugal ay wala na sigurong karapatang manatili pa sa kanyang pwesto dahil nakahihiya na ito kina PNP Chief Azurin at DILG Sec. Benhur Abalos.

Untouchable din ang inuumagang saklang patay at saklang buhay sa Zapote, Bacoor, Imus, Kawit, Silang, Cavite City, Naic, Noveleta,Tanza, Magallanes at Maragondon na diumano’y minamantine nina alyas Tagoy, Erik, Maricon, Romulo, Ronie, Amy at Minong na sinasabing walang pwedeng bumangga sa kanila dahil direkta silang nakikipag-usap sa tanggapan ng Camp Pantaleon Garcia at Camp Vicente Lim.

Subaybayan natin!

 

174

Related posts

Leave a Comment