MAGIGING MASUNURIN KAYA SI CHIZ SA ‘THE POWERS THAT BE’?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

NATULOY na nga ang kudeta sa Senado kahapon kaya bumaba si Senador Juan Miguel Zubiri bilang lider ng Mataas na Kapulungan. Pinalitan siya ni Senador Francis ‘Chiz’ Escudero na agad ding nanumpa.

Hindi na bago ang coup rumors kay Zubiri, ika nga naging suki siya nito.

Pebrero pa lang ng taong ito, umugong na ang usapang ikukudeta siya pero agad itong pinabulaanan ng mga kapwa niya senador.

Ipinagtanggol pa nga siya nina Senate Pro-Tempore Loren Legarda at Senate Majority Leader Joel Villanueva na kapwa nagsabing suportado ng mayorya ang liderato ni Zubiri at walang naghahangad na maagaw ang posisyon niya.

Itinuro naman ni Deputy Majority Leader JV Ejercito ang Kamara na pinagmulan ng ugong na pagpapatalsik kay Zubiri dahil na rin sa mga isyu na hindi napagkakasunduan ng dalawang kapulungan. Kabilang na diyan ang isinulong na People’s initiative ng Kamara.

Pagsapit ng Marso ay buhay pa rin ang balitang ‘coup’ at dito na lumutang si Senador Jinggoy Estrada na siya raw papalit kay Zubiri.

Pero makaraan ang ilang pahayag ng mga senador ay nanahimik ang usapin.

Hanggang kahapon nga, nangyari ang pagpapatalsik kay Zubiri.

Malinaw ang mensahe ni Zubiri, may instructions siyang hindi nasunod kaya siya napatalsik.

“I failed to follow instructions from the powers that be,” aniya, kaya ang tanong ngayon, magiging masunurin kaya si Senate President Chiz? Abangan.

Sang-ayon naman ako sa sinabi ni Chiz na pagkatapos ng pagpapalit ng liderato ng Senado ay dapat mag-move on sila at simulan nang aralin ang lahat ng pending na panukala sa kanilang hanay.

Napakaraming problemang hinaharap ng bansa ngayon kaya isantabi na nila ang mga himutok at hindi pagkakaintindihan. Harapin na nila kung paano mapagagaan ang buhay ng mga Pinoy.

Tulad na lang ng nakaambang La Niña weather phenomenon na dapat ngayon pa lang ay napaghahandaan na.

Kung malaking perwisyo at pinsala ang idinudulot ng nararanasang matinding init ng panahon ngayon ay ganundin ang maaaring hatid ng La Niña.

Kaya habang binabalot ng matinding tagtuyot ang bansa ay paghandaan na ng pamahalaan ang inaasahang pananalasa nito gaya ng babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sinabi pa ni Escudero na dapat magkaroon ng sapat na alokasyon para sa calamity funds sa epekto ng El Niño at paghahanda naman sa napipintong La Niña weather phenomenon.

Aniya, maaari ring legal na magamit ang calamity fund sa paghahanda sa isang kalamidad at hindi lang kapag nanalasa o dumaan na ito.

Kaya raw, hindi dapat ubusin lang sa pagtugon sa El Niño ang calamity fund ngayon, at gamitin na rin ito sa preparasyon sa La Niña.

Kailangan naman talaga na planuhing maige at gawin ang mga hakbang bilang paghahanda sa La Niña phenomenon.

Hindi na kailangang hikayatin ang pamahalaan para sa komprehensibo, epektibo at episyenteng disaster and response preparedness para sa La Niña at ibang banta ng klima.

May mga OPLAN La Niña ang iba’t ibang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.

Ang MDRRMO ay itinatag para makisama sa mandato ng R.A. 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010.

Ang nangyayari lang sa hakbang ng pamahalaan sa pagtugon sa mga kalamidad ay ang hindi sabayang paghahanda.

Ang El Niño, La Niña at mga kalamidad ay hindi katulad ng mga tanong na kailangang isa-isahin ang sagot.

Pwedeng pagsabayin ang mga plano sa pagtugon sa mga kalamidad.

Habang tag-init, makabubuti nang ayusin ang mga silid-aralan at mga edipisyo na dapat sana ay iakma sa anomang uri ng kalamidad.

Iba ang handa kumpara sa kung ano ang ginagawa sa oras ng pananalasa ng mga kalamidad.

41

Related posts

Leave a Comment