MAGKANO ANG TARA NI TAMBALOSLOS SA BI?

BISTADOR ni RUDY SIM

HINDI pa tumitilaok ang manok sa umaga ay nasa kanyang tanggapan na ang isang mataas na opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na laging mas nauuna pa sa kanyang mga tauhan.

  Ganito kung hangaan ng mga empleyado ng ahensya ang opisyal na ito na itatago na lamang natin sa pangalang “SILIDONYO KATINDIG” na halos mabutas na ang kanyang upuan sa kanyang kasipagan sa pagpirma ng libo-libong papeles kada araw.

  Marami ang nagtatanong, bakit daw Silidonyo Katindig ang alias ng opisyal na ito? Bakit nga ba? Pero kung gaano kaaga kung pumasok ito sa kanyang trabaho ay siya rin umano ang pinakahuling empleyado na umuuwi, at inaabot pa ng alas-otso ng gabi kahit walang overtime pay?

Wow! Dapat palang bigyan ng award itong opisyal na ito na saka lamang titindig sa kanyang upuan kapag kumpleto na ang kanyang isisilid na pera sa kanyang bulsa? Aba, gaano ba kalaki ang kanyang bulsa at nagkasya ang milyon-milyong kinikita nito kada araw? Ngunit ito umano ay para sa kanilang sariling pagpapayaman at hindi pumapasok sa kabang yaman ng bansa.

  Gaano kaya katotoo ang usap-usapan sa ahensya na isang mataas na opisyal ng gobyerno na si “ALIAS TAMBALOSLOS” ang nasa likod ng korapsyon sa BI na pinadadalhan ng ibinigay na “TARA” sa ahensya upang mapanatili sa puwesto ang inilagay na opisyal na ito?

  Kung sa araw-araw na umiinit ang isyu ng seguridad ng bansa kaugnay sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea dahil sa pangha-harass ng Chinese military sa ating hukbong sandatahan, ay wala naman halos pakialam dito sina Silidonyo Katindig at ang kanyang bayaw na Bulldog, sa pamemera umano sa Chinese nationals na inilagay ng ahensya sa blacklist dahil sa ilegal na pagtatrabaho sa POGO.

  Magkano nga ba ang kinikita ng magbayaw sa pag-lift ng blacklist ng mga Chinese na may kasong kaugnay sa POGO? Ayon sa ating impormasyon ay tumataginting na 500K hanggang 700K ang presyo kada ulo ng bawat lifting sa mga ito na piling-pili lamang ang pinagbibigyan… Sino kaya ang mga handler ng Chinese na nakikipagsabwatan dito?

  Bakit kaya tila tahimik ang Senado sa isyu ngayon ng korapsyon sa BI? Senator Hontiveros at Sen. Tulfo!! Anyare?? Abangan po ang karugtong!!

223

Related posts

Leave a Comment