MAGSASAKANG INABANDONA, EKONOMIYANG PINAPASLANG

BUKOD sa dagok na dala ng pandemya, mistulang pandiin ang patuloy na pagdodomina ng mga produktong puslit mula sa bansang Tsina.

Katunayan, nagkalat ngayon sa merkado mga palsipikadong produktong tatak mamahalin pero peke pala. Diyan sikat ang bansang Tsina.

Mula sa inaangkat ng isdang mula sa ating karagatan, pati gulay na sagana naman tayo, inaangkat na. Ang masaklap, malaking bahagi ng mga nasa merkado, ilegal na nakapasok sa bansa – smuggled, ika nga.

Kamakailan, naglabas ng sama ng loob ang mga magsasaka mula sa Benguet at Cordillera. Anila, pinipilay ng mga gulay na puslit mula sa bansang Tsina ang kanilang kabuhayan sa agrikultura. Dangan naman kasi, ang ani nila ay naiiwan sa mga pamilihan, ‘di magawang makipagsabayan sa presyo ng mga smuggled na gulay.

Kaya ngayon, gulay na inani ng mga magsasakang Pilipino, nagkanda-bulok lang. Pati puhunang pawis at panahon, nauwi lang sa wala.

Ang siste, ang kagawarang may mandatong sila’y protektahan, sagana lang sa dada. Anila, paiimbestigahan nila. Ilan na ba ang inimbestigahan nila? May nangyari ba sa sigaw ng kagawarang “Masaganang Ani at Mataas na Kita?”

Mandato ng Department of Agriculture (DA) ang isulong ang kapakanan ng mga magsasakang Pilipino, ang kanilang kabuhayan at pagpapaunlad ng kakayahang makipagsabayan sa merkado sa pamamagitan ng mga polisiyang magpapatibay sa estado ng sektor ng agrikultura. Bahagi rin ng kanilang mandato ang tiyaking may sapat na suplay ng abot-kayang pagkain – karne, manok, isda at gulay – sa hapag-kainan ng bawat pamilyang Pilipino.

Sa tinatakbo ng mga kaganapan nitong mga nakaraang taon, malinaw na sumisinghap-­singhap na ang lokal na sektor ng agrikultura. Sa malao’t madali, tuluyan nang mamamatay ang industriya ng agrikultura.

‘Pag nagkataon, aasa ang bansa sa mga produktong angkat mula sa ibang bansa. ‘Yan mismo ang target ng mga Tsinong hangad ay kontrol sa merkado sa tulong ng mga taong ­gobyernong kasapakat sa kung tutuusin ay pananabotahe sa ating ekonomiya.

Ang higit na nakalulungkot, walang katiyakang ligtas ang pikit-matang pagpapapasok ng mga pagkain mula sa bansang Tsina na tila pahiwatig ng kawalang malasakit, mangamatay man tayo sa pagkaing hindi man lang dumaan sa mga pagsusuri ng mga eksperto.

73

Related posts

Leave a Comment