CLICKBAIT Jo Barlizo
KAHIT pilipit ay naipilit ang Maharlika Investment Fund o MIF.
Madaling araw nitong Miyerkoles ay inaprubahan sa third at final reading ang Senate Bill 2020 o ang Maharlika Investment Fund bill sa botong 19.
Tanging si Senador Risa Hontiveros ang bumoto ng ‘No’ sa panukala na sinertipikahang urgent ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kasunod nito ay isasagawa ang Bicameral Conference Committee meeting para pag-usapan at pagkasunduin ang bersyon ng Senado at Kamara.
Naipasa ang panukala sa mababang kapulungan ng Kongreso noong Disyembre 2022 matapos ang urgent din na sertipikasyon ni Marcos sa nasabing panukala.
Ngayon, maliwanag na ang ruta upang maitatag ng bansa ang sovereign wealth fund.
Layon ng MIF, ayon sa Department of Finance, na isulong ang pag-angat ng ekonomiya at pag-unlad ng bansa.
Saan kukunin ang pondo at saan gagamitin? Ito ay dapat na malinaw na ipaliwanag ng pamahalaan upang mawala ang agam-agam sa tinataya ng iba na masamang epekto ng MIF sa mamamayan.
Hindi tiyak na mapalalago nito ang puhunan. Mapanganib kaya duda ang karamihan sa kasasapitan ng pondo na tipak-tipak na mag-aambag ang GSIS, SSS, LBP at DBP.
Ang malaking halaga ng nakadeposito sa Landbank at DBP ay mula sa GOCC dahil kailangan nilang ilagak ang kanilang pondo sa government financial institutions.
Ano ang magiging resulta nito sa mga pribadong indibidwal at kompanya na inilalagak ang kanilang ipon sa nasabing mga bangko? May mga bagong deposit bang aasahan kung ang pondo ay ilalagay ng bangko sa wealth fund?
Baka dahil sa takot ay withdrawal ang gawin ng mga depositor.
Saka, ano ang mga probisyon na gumagarantiya ng wastong paggamit ng pondo. Hindi tiyak na tunay na kayamanan ang tutubo rito. May tsansa rin na malugi at maubos ang puhunan.
Isa pang nakatatakot dito ay hindi malaman kung sino ang hahabulin o mananagot sa sandaling sumemplang ang investment fund na ‘yan.
Lubog ang bansa sa utang at ang wealth fund ay angkop lamang sa bansa na labis ang kinikita.
Sa nangyayaring mga problema sa bansa na hindi binibigyan ng agarang atensyon at aksyon, mga importanteng panukala na inuupuan lang gayung sa kapakanan ng mamamayan nakatuon, ay inuuna at minamadali pa ang wealth fund na sari-saring negatibong reaksyon ang nakukuha.
Ayusin muna ang pangangailangan ng publiko bago mamuhunan. At tiyakin na may TIWALA na ang mamamayan sa sistema ng pamahalaan.
Tiyak nang maipapasa ang panukalang ito ngunit siniguro ng mga kontra na patuloy nila itong haharangin kahit maging ganap na batas pa.
352