KAHIT manipis ang laman, hindi malinaw ang source, at hindi beripikado, pinasabog ng Malacañang sa pamamagitan ng Manila Times ang “Matrix” na anila’y bahagi ng “Oust-Duterte Plot.”
Tingnan Natin: ang Manila Times ay pag-aari ni Dante Ang na umano’y PR Man ng Malacañang kaya “suspect” ang laman.
Huwag na natin kantiin ang ibang aspeto ng “Matrix” ni Pangulong Duterte at spokesman Salvador Panelo, isa lang muna ang gusto nating iklaro.
Pinasasara ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang Manila Times College, eskuwelahang negosyo ni Ang sa Subic Freeport, na umookupa ng dating George Dewey High School ng mga Amerikano, at dating ospital, na may kabuuang 2.5 ektarya.
Pinahihinto ang operasyon ng Manila Times College dahil ang utang ni Ang ay umabot na umano sa mahigit P60-M as of July 2018 at tinatanggihan umano niyang bayaran.
Tingnan Natin: bukod sa P60-M utang na mas lumalaki pa hanggang hindi binabayaran, nilabag din umano ni Ang ang kondisyon ng kontrata na idi-develop ang mga pasilidad at lugar ng negosyong in-apply-an.
Sobra-sobra ang umano’y kapabayaan ni Ang sa mga gusali at mismong lugar ng eskuwelahan kaya halos maiyak si SBMA Chair & Administrator Wilma T. Eisma nang humarap sa mga mamamahayag at ipakita ang mga larawan ng kalapastanganan.
Pero ang Dante Ang hindi basta natitinag. Lumapit pa sa korte para humingi ng “preliminary injunction” upang pigilan ang pagpapasara sa Manila Times College niya.
Tingnan Natin: ibinasura ng korte ang aplikasyon ni Ang para sa “preliminary injunction” at August 3, 2018, nag-“take-over” ang SBMA sa mga pasilidad.
“Take-over” na may “quote-unquote” dahil hindi pa naman aktuwal na binawi ng SBMA at pagbibigyan daw makatapos ng “school year” para sa kapakanan ng mga mag-aaral.
Katakut-takot na “pressure” mula sa maraming tao, kasama ang sa Malacañang na sinasalo si Ang pero si ChAd Eisma, nanindigan.
Tingnan Natin: tumahimik na ang isyu sa umano’y mahigit P60-M utang ni Ang sa SBMA, at ngayong tapos na ang pasukan, tuluyan na nga bang binawi ng SBMA ang Manila Times College?
Ngayong lutang na lutang ang asim ni Ang sa Malacañang, mananatili kayang matibay ang paninindigan ni SBMA ChAd Eisma? Tingnan Natin. (Tingnan Natin / Vic V. Vizcocho, Jr.)
137