(NI NICK ECHEVARRIA)
GUMUGULONG na ang inihahandang kaso laban sa may-ari ng bumagsak na apat na palapag na Chuzon supermarket sa Porac, Pampanga.
Sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Oscar Albayalde na kasalukuyan nang tinitipon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga gagamiting ebidensya at nangangalap ng mga statement mula sa mga nagrereklamo sa gumuhong supermarket.
Ayon pa kay Albayalde, bukod sa negosyanteng si Samuel Chu, ang may-ari ng nabanggit na gusali, posibleng sampahan din ng kaso ang mga contractor at mga lokal na opisyal ng pamahalaan sa lugar na nagbigay permiso sa konstruksiyon ng gumuhong istraktura.
Nauna nang sinabi ni Police Regional Office (PRO) 3 Director P/BGen. Joel Coronel na hindi pa agad masasampahan ng kaso si Chu dahil kailangang imbestigahan muna ang mga contractor ng Chuzon at ang mga opisyal ng building maintenance.
Ayon sa PNP chief, tatanggapin nilang lahat ang mga balidong reklamo ng mga gustong maghain ng kaso laban sa may-ari ng gumuhong establisimyento.
339