MAKABAGONG MAKAPILI

DPA ni BERNARD TAGUINOD

HOLY week ngayon at panahon ng pagpapatawad pero mukhang hindi kapata-patawad ang mga ‘Makabagong Makapili” na kababayan natin lalo na ‘yung mga nagpasok sa Chinese nationals sa Auxiliary Force Corps. ng Philippine Coast Guard (PCG).

Hindi Filipino-Chinese ang mga ipinapasok sa PCG kundi Chinese nationals talaga at tinanggap na walang national security clearance kaya hindi na nakapagtataka na may mga advance information ang China sa mga galaw ng PCG sa West Philippine Sea (WPS).

Kung walang national security clearance ang mga dayuhang ito, ibig sabihin ay walang impormasyon kung sila ay mga miyembro ng Army ng China o mga miyembro ng kanilang Spy Agency, dahil hindi sila na-background check.

Matatanggap ko pa kung Filipino-Chinese nationals ang mga ito pero as in Chinamen ang mga ito at alam naman natin na interesado ang China sa bawat galaw natin sa WPS na kanilang iniskwatan at inaangkin na nang tuluyan.

Tatlong taon na pala ang Chinese nationals na ito sa Auxiliary Force kaya malamang marami na silang nakalap na mga impormasyon na ipinasa sa Peoples Liberation Army (PLA) kaya nararapat lamang na hubaran ng maskara ang mga ito.

Mas malala ito kaysa mga kababayan natin na imbes na ang Pilipinas ang kampihan ay mukhang kinakampihan pa ang China sa sitwasyon sa WPS gayung malinaw na malinaw kung paano ginagago at binabastos ng Chinese Coast Guard ang PCG sa loob ng ating teritoryo.

Mabuti na lang at may mga video evidence na ngayon at naire-record ang pangha-harass ng China sa resupply vessels at maging sa ating PCG na nagdadala ng supply sa mga sundalo na naka-deploy sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Pero sa kabila niyan ay tayo pa ang pinagmumukhang kontrabida ng propaganda machines ng China at ang masakit ay may mga kababayan tayo na kinakampihan pa ang China, na hindi mo alam kung anong ipinakain sa kanila ni Xi Jinping.

Ang masakit pa sa lahat ay maraming tayong mga lider kuno na napapanisan ng laway dahil hindi man lamang nagsasalita para ipagtanggol ang ating teritoryo sa WPS na harap-harapan nang inaagaw ng China sa atin.

Kabilang ang mga ito sa itinuturing na makabagong makapili. Hindi kaya mga ninuno nila ang mga Makapili noong panahon ng Hapon at nananalaytay pa rin sa dugo nila ang pagiging traydor sa sariling bayan?

Ngayon ay nagbabanta na ang China at pinaghahanda ang Pilipinas sa maaaring kahihinatnan ng patuloy nating pakikipaglaban sa ating teritoryo sa WPS. Harap-harapang banta na ito na hindi dapat ipagkibit-balikat ng ating mga lider.

Hindi dapat mabahag ang buntot ng Pilipinas dahil maaaring psy war lang ito ng China at kapag kumagat tayo ay mawawala na nang tuluyan ang ating teritoryo at wala na tayong pag-asang mapakinabangan ang likas na yaman sa WPS na siyang pinakatarget ng tinaguriang Emperor ng China na si Xi Jinping.

45

Related posts

Leave a Comment