PARUSAHAN ANG MAKABAGONG MAKAPILI

PUNA ni JOEL O. AMONGO

HINDI dapat matapos lang sa paghubad ng maskara sa tinawag ng isang kongresista mula sa Mindanao, na “Makabagong Makapili” na nag-recruit sa 36 Chinese nationals para sa Philippine Coast Guard Auxiliary Force Corps (PCGAFC), na inilagay sa panganib ang seguridad ng bansa.

Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, noong panahon ng Hapon sa Pilipinas, ay mayroon nang mga makapili.

Aniya, ngayon mayroon namang “Makabagong Makapili” na nagsisilbi sa interes ng China sa ating bansa.

Kaya kinakailangan itong maimbestigahan at kilalanin ang umano’y mga walang konsensya at taksil sa bayan na mga Pilipino.

Iisa lang ang ibig sabihin niyan, Congressman Barbers, pera-pera ang laban ng tinatawag n’yong “Makabagong Makapili”. Ganoon din noong panahon ng Hapon, pera rin ang pakay nila nang pumasok sa gawain na isang uri ng pagtatraydor sa mga kapwa Pinoy.

Ang mga taong ito ay pansariling interes lamang ang iniisip, wala silang pakialam sa kapwa nilang Pilipino na maaapektuhan ng kanilang masamang gawain.

Sinabi pa ng mambabatas, nakababahala ang natuklasan sa pagdinig ng House Committee on Transportation, na may 36 Chinese nationals ang nakapasok kahit walang national security clearance, sa PCG AFC na tinanggal umano ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan.

Problemado na nga ang ating mga mangingisda sa West Philippine Sea, dinagdagan pa ng mga Makabagong Makapili na ito.

Kaya hindi nakapagtataka kung bakit ganoon na lang kalakas ang loob ng China na i-bully ang mga Pilipino dahil nakikita nila na mayroon pa lang pwedeng bumaliktad na mga Pinoy para sa kapakanan nila. Anak kayo ng mga Siopao!

Hindi na kayo nahiya! Nagagawa n’yong magtraydor sa inyong mga kalahi. Kaya dapat sa inyo ay mabigyan ng pinakamabigat na parusa nang hindi kayo pamarisan.

Magiging paulit-ulit na lang ang kasalanan kung hindi papatawan ng mabigat na parusa ang gumagawa ng kasalanan na pagtalikod sa kanyang sariling inang bayan.

Hindi katanggap-tanggap ang ganitong uri ng pagtatraydor sa sariling bansa na imbes na sila ang mangangalaga sa kapakanan ng kanilang kapwang Pilipino ay sila pa ang nagkakanulo para lang sa pera.

Kawawa naman ang mga sundalo na nagbabantay sa ating teritoryo para protektahan ang lahi ni Juan dela Cruz, para hindi masakop ng ibang lahi.

Ang Makapili ay grupo ng mga Pilipino noong panahon ng World War II na binuo at nakipagsabwatan sa puwersa ng Japanese Imperial Army na nanakop sa Pilipinas, para sa kanilang personal na interes.

oOo

Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

53

Related posts

Leave a Comment