MAKATAONG PAGTRATO PARA SA MGA GUMON SA DROGA

Psychtalk

Sa maikling pagdalaw ko sa Canada, mismong naobserbahan ko ang mga bagong polisiya nila roon gaya ng legalisasyon ng marijuana at ibang regulated drugs.

Kaya’t medyo kontrobersyal sa akin na makakita ng cannabis store sa ilang kanto noong kami’y nag-iikot.

Sa biglang tingin, maaaring maalibadbaran ang ilan sa atin tungkol sa bagay na ito. Lalo na at mas sanay tayo sa pananaw na dala-dala ng kriminalisasyon o approach sa issue na ito.

Nang makausap ko ang isang Pinay na matagal nang naninirahan doon at nagtatrabaho sa isang non-government organization (NGO), nakita ko kung saan sila nanggagaling sa pagpapatupad ng bagong batas na ito.

Sa kanilang pag-aaral, mas delikado ang kalusugan ng mga gumon sa droga kung sa illegal na sources sila kukuha ng supply na hindi regulated ang mga dosage. Pati ang paggamit ay tago at dahil walang access sa supplies napipilitan ang ibang users na maghiraman ng needles na siya namang risk factor sa pagkalat ng infections gaya ng HIV.

Pansinin natin na isa sa high risk group din sa HIV-AIDS ang mga tinatawag na IDUs o injecting drug users.

Dahil din sa batas, ‘di na takot  ang users na lumantad, at ang resulta may mas malinaw nang estadistika ang gobyerno at mas mapaplano ang mga intervention gaya ng patuloy na counseling o therapy at iba pang basic support services. Libre ring makakapasok sa mga rehabilitation institution ang users o abusers, bagama’t ‘yung iba ay mas pinipiling nasa labas lang. Para sa mga nasa lansangan, patuloy pa rin ang mga health at iba pang batayang serbisyo sa kanila para mas responsible sila sa paggamit.

Kaya minsan may makikita kang palakad-lakad sa kalye na parang wala sa mga sarili kasama ‘yung ibang mas pinili ang lansangan. Kahit naroon sila, ‘di sila pinagkakaitan ng kalinga ng gobyerno. Sa kalaunan, ‘yung iba ay bumabalik sa normal na functioning. Hindi sila tinatratong dumi o kriminal na bukas-makalawa ay maaari na lang matokhang.

Maaaring magdedebate tayo tungkol sa usapin na ito. Bagama’t nagkaroon ako ng malalim na pag-unawa sa tinatawag na mas humanistic na pagtrato sa mayroong substance use disorders. Maigi nga sigurong pag-aralan kung pagpatay o pagkulong nga ang pinakarasonable at pinakaepektibong lapit dito. (Psychtalk /EVANGELINE C. RUGA, PhD)

127

Related posts

Leave a Comment