CLICKBAIT ni JO BARLIZO
MAYROON nang mga naunang desisyon ang Korte Suprema sa mga territorial dispute. Ang mga hurisprudensiya o palabatasan ay magagamit nang “gabay” ng ating mga ahensya ng gobyerno, pangunahin na ang Department of the Interior and Local Government, Commission on Elections (Comelec) at Department of Finance (DOF), kung paano maresolba at agad na maipatupad ang kautusan ng Kataas-taasang Hukuman tulad na lamang ng Parcels 3 & 4 of Psu 2031 (na kinabibilangan ng 10 barangay) na nasa Makati City ay nasa legal na hurisdiksyon na ng Taguig City.
Isa sa hurisprudensiya na dapat pagbatayan ay ang Camarines Norte v Province of Quezon. Sa November 1989 decision ng SC, niresolba nito ang 67-taong territorial dispute sa pagitan ng dalawang lalawigan at idineklara na ang kinukuwestiyong siyam (9) na barangay ay nasa hurisdiksyon ng Camarines Norte.
Matagal din ang 30 taon bago naresolba ang Taguig-Makati territorial dispute pabor sa Taguig at gaya ng nangyari sa Camarines Norte at Quezon ay hindi rin naging madali na tanggapin ng mga local official ang desisyon na nagresulta pa para patawan ng contempt sa pagsuway sa desisyon ng SC sina Quezon Gov. Eduardo Rodriguez at Calauag Mayor Julio U. Lim.
Sinabi ng SC na naiintindihan ng dalawang opisyal ang final and executory decision hinggil sa dispute subalit sinasadya lamang na hindi sundin, na tila pareho rin sa ginagawa nina Makati City Mayor Abby Binay at iba pang opisyal ng lungsod ng Makati.
Noong 1989, nang madesisyunan ng SC ang Camarines Norte v Province of Quezon territorial dispute ay nagkaroon din ng delaying tactics na parehas ng ginagawa ngayon ng Makati. Taong 2001 ay balik sa legal battle ang dalawang lalawigan sa paghahain ng magkaibang petisyon, subalit nanindigan ang mga mahistrado na ang ibig sabihin ng FINIS sa isang kaso ay END.
Malinaw rin ang desisyon ng SC sa Makati-Taguig dispute. Sinabi nito na “The Supreme Court has put an end to the land dispute between the city governments of Makati and Taguig in connection with the Fort Bonifacio Military Reservation where the Bonifacio Global City Complex is now located. The Court ruled that the disputed properties are within the territorial jurisdiction of Taguig City”.
Malinaw rin na hindi na tatanggap ang korte ng anomang pleadings, motions, letters o anomang uri ng komunikasyon ukol sa kaso dahil nagkaroon na ng entry of judgment.
Ang desisyon ng Korte Suprema ay “law of the land” kaya ang desisyon ng Camarines Norte v Province of Quezon ang dapat sundin sa kaso ng Taguig at Makati.
Kung hindi susundin ng Makati ang desisyon sa territorial dispute ay tila wala ring hustisya, base na rin sa pananalita ng SC sa kaparehas na kaso.
Sa ating pagsusuri sa Camarines Norte v Province of Quezon case, ay malinaw rin na walang ipinalabas na WRIT OF EXECUTION ang SC, bagkus ipinatupad ito nang maayos ng mga ahensya ng gobyerno sa pangunguna ng DILG, Comelec, DOF, Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Budget and Management (DBM) at National Statistics Office (NSO).
Ganito rin dapat ang mangyari sa kaso ng Makati at Taguig. Ang mga ahensya ng gobyerno ang kumilos para sa transition o paglipat ng Parcels 3 & 4 ng PSU-2031 sa pagmamay-ari ng Taguig dahil gaya ng obserbasyon ng mga mahistrado, hindi madaling tanggapin ng local officials na maalisan sila ng teritoryo. At alam ng mga ito na pinal na ang desisyon ngunit magbubulag-bulagan at pipiliing lumaban kahit nakamit na ang finish line.
Dapat nang tapusin ng Taguig-Makati ang hidwaan sa teritoryo. Naiipit at tensyonado ang mga apektadong residente.
Kaya maganda ang ginagawang pagkilos ng DILG at Comelec lalo na at nalalapit na ang October barangay election, kung saan ang 10 barangay ay boboto na sa ilalim ng Taguig.
189