MALING KALKULASYON SA MONTHLY AMORTIZATION, SINO DAPAT MANAGOT?

RAPIDO ni PATRICK TULFO

ISANG reklamo ang natanggap ng Rapido tungkol sa hulugang motor na kinuha ni Chrisantie Saz.

Ayon kay Saz, kumuha siya ng brand new na Suzuki Raider R150 sa Nick Motorcycle Gallery sa Congressional Quezon City noong Pebrero ng taong 2021.

Sa kanyang kontrata na pirmado ng ahente at representatives ng NMG, nasa mahigit P3,700 ang kanyang babayarang monthly amortization para sa kanyang motorsiklo sa loob ng 36 na buwan.

Makalipas umano ang tatlong buwan ay tumawag sa kanya ang NMG at sinabing mali ang computation sa kanyang babayaran kada buwan.

Ayon sa NMG, P4,700 umano at hindi P3,710 ang dapat niyang bayaran na hulog.

Natural lamang na pumalag dito si Saz dahil nakapag-umpisa na siyang magbayad at kung ano ang nasa kontrata ay iyon lang ang kanyang susundin.

Nang bayaran ni Saz nang buo o full payment ang kanyang motorsiklo nitong December 2023, nagmatigas itong NMG at pinadalhan na si Saz ng Demand Letter mula sa head office nito na FMN Industrial Corporation kung saan inoobliga siya nito na bayaran ang kabuuang P80,107 na kulang umano sa bayad ni Saz.

Dahil dito ay lumapit na sa inyong lingkod si Saz.

Ayon sa ating batas, legal na kontrata ang naunang pinirmahan ni Saz at ng mga representative ng NMG kaya tama lang na hindi bayaran ni Saz ang hinihinging kakulangan ng NMG.

Ang pagkakamali ng tauhan ng NMG ay hindi dapat si Saz ang managot. Kung sa lebel palang ng manager ng NMG ay dapat nakita na nito ang discrepancy o pagkakamali sa computation.

Bilang customer, hindi trabaho ni Saz na alamin kung tama ba o hindi ang computation ng ahente noong araw na kinuha niya ang kanyang motorsiklo.

Kasalanan ng ahente at ng manager nito ang pagkakamali kaya’t marapat lang na singilin ng kumpanya sa kanilang tauhan ang kulang sa kanilang computation.

Kahit makarating pa sa korte ang demanda ng NMG kay Saz na pagbayarin ito ng mahigit sa P80,000 ay hindi sila mananalo, dahil pirmado ng magkabilang kampo ang kanilang kontrata.

32

Related posts

Leave a Comment