DPA ni BERNARD TAGUINOD
MALIWANAG na may korupsyon sa pagtakas ni Guo Hua Ping a.k. a Alice Leal Guo dahil sa kabila ng hold departure order (HDO) at sangkatutak na mga kasong isinampa sa kanya ay nakaalis pa rin siya ng bansa?
Walang naniniwala na walang tumulong sa kanya para makatakas dahil kahit private plane ang kanyang sinakyan ay kailangan pa rin inspeksyunin at alamin kung sino ang mga sakay nito ng ating border guards.
Ang milyong-milyong tanong, sino ang tumulong sa kanya para pumikit na lang ang mga dapat pumikit para matakasan nito ang sandamakmak na mga kaso at maiwasang tumanda sa loob ng kulungan sa ating bansa?
Sabagay, marami na tayong kababayan ang nagkanulo at nagbenta ng ating bansa sa mga Chinese syndicate na sangkot sa illegal drugs at Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) dahil kung hindi, hindi magkakaroon ang mga ‘yan ng mga dokumento tulad ng birth certificate, driver’s license, Philippine passport na siyang ginamit nila para mamakyaw ng lupain sa ating inang bayan at pagtatayo ng mga negosyo na one hundred percent na sila ang may-ari.
Ang masaklap pa sa lahat, ang mga dokumentong ito ang naging behikulo ni Alice Guo para pamunuan ang bayan ng Bamban sa Tarlac. Hindi ‘yang mangyayari kung walang hudas sa ating bansa na tumulong sa kanya.
Maging ‘yung pagpapasok ng Chinese nationals na wanted sa kanilang bansa at pinaghahanap ng International Police, ay isang malinaw na laganap pa rin at talagang hindi nawawala ang mga corrupt sa ating lipunan.
Kung walang maparurusahan sa pagtakas ni Guo o maging doon sa mga tumulong sa Chinese nationals na naging Pinoy dahil sa late registrations, mauulit at mauulit ‘yan sa darating na mga panahon.
Hindi rin ako naniniwala na tuluyang aalisin na ng sindikatong ito sa kanilang sistema ang Pilipinas bilang lugar ng kanilang operasyon dahil maraming corrupt sa ating bansa na ibinebenta ang kanilang kaluluwa.
Hangga’t maraming corrupt sa Pilipinas, hindi lamang sa mga halal na opisyales, appointed officials at law enforcement agencies, ay ikokonsidera pa rin ng international syndicate na ito ang ating bansa. Hindi sila makapapasok sa isang bansang hindi corrupt.
Isa pa, saka lang naman mainit ang isyu kapag nag-iimbestiga ang Kongreso pero kapag lumamig na ang sabaw, marami na naman ang maglalaro ng ‘corruption game’ sa ating bansa kasi walang naparurusahan eh.
Puro imbestigasyon lang kasi ang Kongreso at wala silang judicial power at karamihan sa kanilang inimbestigahan ay walang nangyari pagdating sa korte kaya lumalakas ang loob ng mga Pinoy na kadugo ni Hudas.
Balik tayo kay Guo, malamang ay hindi na ‘yan babalik at ‘yung sinasabing kailangang pagdusahan niya ang kanyang kasalanan, hindi na mangyayari kaya ang dapat ipalit sa kanya ay ‘yung mga tumulong sa kanyang pagtakas kung talagang seryoso ang gobyerno natin.
40