MAMILI NANG TAMA

BAGWIS

ELEKSYON na naman sa Lunes at gaya ng dati, pipili na naman ang sambayanan ng iluluklok nila sa poder ng kapangyarihan. Kanya-kanyang gimik at pakulo itong ating mga kandidato upang makakuha ng boto at milyon o baka bilyon pa ang kanilang ginugugol na salapi kapalit ng kapangyarihan.

At gaya rin ng dati, pagkatapos ng eleksyon sa Lunes ay balik tayo sa kabi-kabilang reklamo kung paano pinapatakbo ng ating mga lider ang ating pamahalaan. At gaya pa rin ng dati ay todo kayod naman itong ating mga iniluklok na politiko upang mabawi ang limpak-limpak na salapi na kanilang winaldas para sa manalo sa halalan.

Ganito nang ganito ang paulit-ulit na sitwasyon sa ating bansa. At habang patuloy na puro mga kawatan ang ating mga pinipiling mga lider ay patuloy ding masasadlak sa lusak ng kahirapan ang ating bayan.

Ewan ko kung kailan at kung paano natin maiwawaksi ang ganitong sistema sa ating politika. Sa napakahabang karanasan natin kung paano tayo linlangin ng mga politiko ay wala pa rin tayong natututunan. Palagi pa ring nananaig ang mga palpak at walanghiyang politiko na walang ibang ginawa kundi magpasasa sa ating buwis na binabayaran.

One thing is sure though. Ang nakapanlulumong sitwasyon sa ating bansa ay hindi dapat na gawing batayan upang tuluyan na nating isuko ang ating karapatan na manindigan para sa tama at makatwiran.

Bagama’t tanggap na nating mananaig pa rin ang mga tinatawag nating mga bobotante, kailangan pa rin tayong tumayo para sa tama at mabuti sa bayan.

Huwag po tayong sumuko. Huwag po nating isantabi ang ating pangarap na balang araw ay magiging mas matalino na tayo sa pagpili ng ating mga lingkod-bayan.  Huwag po tayong mawalan ng pag-asa na darating din ang panahon na magiging mas mapagmatyag tayo at tuluyan nang talikuran ang mga politikong pulpol at magnanakaw. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)

75

Related posts

Leave a Comment