TILA suntok na lamang sa buwan kung masusungkit na ng dating Bureau of Immigration Deputy Commissioner at Port Operations Division chief, Red Mariñas ang pagkapanalo sa pagka-alkalde ng Muntinlupa sa pangalawang pagkakataon matapos na ito’y matalo at ilampaso ni Mayor Fresnedi noong 2019 election.
Tila naubusan na umano ng makinarya at campaign funds si Mariñas na ayon sa ilang netizens mula sa lungsod, ay marami na sa kanyang mga tagasuporta at tauhan ang umaalis sa kanyang partido dahil na rin umano sa kakulangan ng pondo. Gaano rin kaya katotoo na isang grupo umano ng motorcycle riders na sumama sa kanyang motorcade kamakailan ang umuwing luhaan dahil abunado pa sa kanilang gasolina? Anyare?
Ayon sa nakalap nating impormasyon, naging biktima umano si Mariñas ng isang naging campaign manager nito na makaraang makakuha ng malaking halaga ng campaign fund ay hindi nito ginamit sa tamang paraan at itinakbo?
Matatandaang bago umalis sa BI si Mariñas noong tumakbo ito noong 2019 ay naglabas ang office of the Ombudsman ng certification na wala itong kinasangkutan na kaso hanggang sa pumutok ang ‘Pastillas Scheme’ at nagkaroon ng Senate inquiry na siya ang itinurong mastermind ng tumayong whistleblower ngunit ito’y agad namang itinanggi ni Mariñas at tila naghugas ng kamay at inilaglag ang ilang naiwang tauhan nito sa POD nang sabihing wala na ito sa ahensya nang mangyari ang ‘Pastillas’.
Naging kapansin-pansin din umano sa mga taga Muntinlupa ang tila matamlay na picture taking ng grupo ni Mariñas sa UniTeam kamakailan sa Las Piñas na hindi itinaas ang kanyang kamay bilang pambato?
Matatandaang hindi nakadalo si Mayor Inday Sara sa proclamation rally ni Mariñas noong 2019 ngunit nagtungo pa rin ang ilan sa Team Red sa Davao City hanggang sa walang pagtaas pa rin ng kamay na nangyari?
Panawagan ng ilan sa Immigration officers na nakasuhan at nakatikim ng 6 months preventive suspension noong nakaraang taon na nadamay sa kaso, ay lumabas ang totoo at walang naging sacrificial lamb na empleyado.
Mula nang pumutok ang ‘Pastillas’ ay maraming empleyado ng BI ang nakaranas ng diskriminasyon dahil sa idinulot na kahihiyan sa ahensya na sinakyan ng sawsawerong mga pulitiko upang isisi sa administrasyon ni Pangulong Duterte ang nangyari. Hindi naman lahat ng opisyales at tauhan ng ahensya ay kurakot, mas marami pa rin dito ang matitino na nagsisilbi para sa bayan.
(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
63