Hindi maitatanggi ang kabutihang dulot sa ekonomiya ng isang probinsya o siyudad kapag ang mga industriya nito – agrikultura at industriyal ay parehong namamayagpag. Ito ay isang malinaw na senyales ng pag-angat ng antas ng kabuhayan at ng kaunlaran sa nasabing lugar. Ang mga epekto ng pag-unlad ng iba’t ibang industriya sa isang lugar ay nagkakaroon ng kabit-kabit na positibong epekto sa mga residente nito at sa lokal na ekonomiya.
Ang pag-unlad ng agrikultura sa isang probinsya ay nangangahulugan na tataas ang produksyon ng mga produktong pang-agrikultura. Ang mga ito ang siyang pinanggagalingan ng mga produktong pinoproseso sa industriyal na sektor upang gawing mas kapaki-pakinabang na kagamitan, pagkain, at iba pang naaayon sa uri ng kanilang negosyo. Ang pag-unlad ng agrikultura ay pag-unlad din ng mga magsasaka at ng iba pang mga taong kabilang sa nasabing industriya. Nagkakaroon sila ng mas mataas na kakayanan upang bumili rin ng iba pang produkto mula sa industriyal na sektor. Sa madaling salita, umiikot sa lipunan at iba’t ibang sektor ang kaunlaran ng bawat isa.
Sa usapin ng pag-unlad ng isang lugar, napakalaki ng ginagampanang papel ng lokal na pamahalaan dahil sila ang punong nangangasiwa sa takbo ng ekonomiya at siyang nagsisilbing kamay na gumagabay sa direksyong tinatahak ng kaunlaran ng kanilang pinamumunuan. Ang lokal na pamahalaan ang inaasahang mangangasiwa sa matalinong paggamit ng mga likas na yaman sa lugar gaya na lamang ng lokal na pamahalaan ng Atimonan, Quezon.
Sa kasalukuyan, kinikilalang isa sa mga pinakaprogresibong bayan sa Quezon ang bayan ng Atimonan. Pinag-iibayo ng Atimonan ang kanilang ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapaunlad nito sa kanilang agrikultura at turismo. Sila ay nakikipagtulungan sa pribadong sektor upang mas mapaunlad ang kanilang ekonomiya. Alam ng lokal na pamahalaan na mayaman ang kanilang lugar sa agrikultura at pati na rin sa kasaysayan kaya’t ito ang kanilang pinagtutuunan ng pansin. Kamakailan lamang ay napabalita ang pagtanggap ni Atimonan Mayor Rustico Joven Mendoza sa mga dokumentong ukol sa Comprehensive Land Use Program (CLUP) mula sa Grandt Planners. Layon ni Mendoza na pagsabayin ang pag-unlad ng mga industriya sa Atimonan kasama ang pagpapatayo ng mga imprastraktura sa lugar. Kilala ang Atimonan sa kalinisan ng kanilang lugar, magagandang karagatan, at mga makasaysayan at magagandang tanawin. Layon nilang mas pag-ibayuhin pa ang ekonomiya at mas pataasin pa ang antas ng kabuhayan ng mga mamamayan ng Atimonan sa pamamagitan ng pagpapaunlad din sa industriya ng agro-industrial bilang bahagi ng kanilang socio-economic development program. Sa pamamagitan ng nabanggit ay mas tataas ang antas ng kabuhayan ng mga Atimonanin. Mas darami rin ang mga trabahong naghihintay para sa mga residente na siyang mas magpapalakas sa kanilang ekonomiya.
Isa sa mga malalaking proyektong nakatakdang itayo sa Atimonan ay ang planta ng kuryente na may kapasidad na 1,200 megawatts. Ito ay isang high efficiency, low emission (HELE) na uri ng planta na gumagamit ng coal na nakabinbin pa ang pag-apruba mula sa gobyerno. Ito ay itatayo ng Atimonan One Energy (A1E), isang subsidiary ng Meralco PowerGen. Sa pahayag ni dating kalihim ng DPWH at ngayo’y CEO at Presidente ng Meralco PowerGen na si Rogelio “Babes” Singson, binigyang diin niya ang pangangailangan ng mga bagong planta ng kuryente na makakadagdag sa supply ng kuryente sa bansa. Ito ay dahil sa matatanda na ang mga kasalukuyang planta ng kuryente habang patuloy naman ang pagtaas ng demand ng kuryente sa bansa. Kung hindi magkakaroon ng mga bagong planta ng kuryente sa bansa, nanganganib tayong makaranas ng kakulangan sa supply ng kuryente na siyang makakaantala sa pag-unlad ng ating bansa.
Sa kasamaang palad, limitado pa rin ang kaalaman ng nakararami ukol sa paggamit ng coal bilang pagkukuhanan ng supply ng kuryente. Maraming mga grupo ang aktibong tumututol sa paggamit ng coal dahil daw sa maaaring masamang epekto nito sa kalikasan. Wala namang nagsasabi na coal ang pinakamalinis na materyales na maaaring gamitin para sa supply ng kuryente ngunit mayroon nang mga makabagong teknolohiya gaya ng HELE na nakakapagpababa sa negatibong dulot nito sa kalikasan.
Kung hindi isusulong ng Pilipinas ang paggamit ng mga makabagong teknolohiya sa paglikha ng kuryente, maaari itong magdulot ng matinding pagtaas sa presyo ng kuryente kapag ibinenta na sa merkado. Kung hihinto ang Pilipinas sa paggamit ng coal, mas mapapamahal ang presyo ng kuryente at tiyak na makakaranas tayo ng kakulangan sa supply. Kapag ito ay nangyari, lubos na maaapektuhan ang ekonomiya at ang antas ng pamumuhay ng mga tao sa bansa.
Bagama’t hindi pa nagsisimula ang pagtatayo ng nasabing planta ng kuryente sa kabila ng pagkakaroon nito ng Certificate of Energy Project of National Significance (CEPNS), nagsimula nang makipagtulungan ang A1E sa lokal na pamahalaan sa pagtataguyod ng mga proyektong makakapagpaunlad sa kabuhayan ng mga Atimonanin. Noong nakaraang taon, sa pakikipagtulungan sa Habitat for Humanity Philippines Foundation, ay inilunsad ng A1E ang New Carinay Housing Project sa Atimonan. Maraming pamilyang mula sa Sitio Carinay ang nabigyan ng sariling bahay sa pamamagitan ng nabanggit na proyekto. Mayroon na itong kuryente at tubig at handang-handa nang matirahan. Sumailalim din sa mga bokasyonal na training ang mga residente upang matulungan sila sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
Sa tulong ng CLUP, hangad at layon ng lokal na pamahalaan ng Atimonan na gawing isang smart city at isang sentro ng turismo sa Timog Luzon ang kanilang bayan. Tayo ay namumuhay sa ilalim ng demokrasya. Mayroong matutuwa at hindi matutuwa sa mga inisyatiba ng lokal na pamahalaan at ng pribadong sektor. Gayunpaman ay hangad ko na sa halip na punahin at gawan ng isyu ang mga proyektong naglalayon na maiangat ang antas ng kabuhayan ng mga mamamayan, magkaisa na lamang ang mga Filipino lalo na kung kaunlaran ang pinag-uusapan na siyang makabubuti para sa lahat. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)
152