SA simula pa lamang ng kanyang termino, ipinamalas na agad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pagiging brusko. Patunay nito ang walang takot na pagsagupa sa mga sangkot sa kalakalan ng droga – sindikato man o yaong nakaupo sa pwesto.
Sa madaling salita, isa siyang sigang Pangulo. Subalit sa lalawigan ng Pampanga, may kilalang gambling lord na tila mas siga pa sa Pangulo. Dangan naman kasi, pati ang direktiba ng Pangulo, balewala lang dito.
Ang siste, tila naghahamon pa ang isang Bong Pineda – ang kapitalista sa likod ng Sabong Express – sa kanyang hayagang pagsuway sa atas na tigil-operasyon ng e-sabong. Tuloy ang talpakan pati na rin ang kumbransa.
Ang totoo, walang buting dulot ang e-sabong at iba pang uri ng sugal.
Bakit kamo? Maraming pamilya na ang winasak ng sugal, pati kinabukasan ng mga anak na estudyante, nagkanda letse-letse. Ang maunlad na negosyong pinayabong sa mahabang panahon, sa isang saglit dumadapa at ‘di na makabangon. Ang masayang pagsasamahan ng mag-asawa, nauuwi sa hiwalayan. Nauso rin ang panunuba, pagnanakaw at pamamaslang bunsod ng lintek na e-sabong.
Ito rin marahil ang napagtanto ng Pangulo nang ilabas ang direktiba mula sa Palasyo.
Ang nakalulungkot lang, tila walang magawa ang mga ahensyang naatasang magpatupad ng tigil-operasyon dahil sa dalawang dahilan – ang panghihinayang sa delihensyang tinatamasa at ang takot na bumangga sa pinaniniwalaang kasangga ng isang malapit sa Pangulo.
Alin man sa dalawa ang katwiran ng mga itinalagang ahensya ng gobyerno, walang dahilan para hindi tupdin ang direktiba ng Pangulo.
Higit na angkop ang pagtalima ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa direktiba ng Pangulo, kesehodang kaalyado pa ng administrasyon.
Ipinagmamalaki kasi ng multi-dinerong gambling lord ang “lakas” niya sa isang senador na kilalang sanggang-dikit ng Pangulo at maging sa umano’y kumare niya sa PAGCOR.
Susmaryosep! Walang pwedeng gamiting palusot ang DILG, PNP at PAGCOR lalo pa’t ang mismong Pangulong inilalaglag ng naturang gambling lord ang nagsabing kailangan nang tuldukan ang mapaminsalang e-sabong.
Totoong pandagdag sa pondo ng bangkaroteng gobyerno ang ipinapasok na pondong bahagi ng kita sa nasabing sugal. Subalit higit na malaki ang perwisyong kalakip ng e-sabong.
Sa pagitan ng baryang ganansya at kapakanan ng mamamayan, laging mas matimbang ang mamamayan. Period.
90