MASAMANG IMAHE KASAMANG BURAHIN SA PNP

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

DAPAT bang ipabura ng mga pulis ang mga visible nilang tattoo? Magandang pag-usapan ang paksang ito.

Pinabubura na kasi ng Philippine National Police (PNP) ang mga nakikitang tattoo ng mga pulis dahil bahagi raw ng kanilang sinumpaang tungkulin ang panatilihing malinis ang kanilang imahe.

Hindi na rin tatanggap ang PNP ng mga aplikante na may tattoo kahit pa hindi ito nakikita, ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo.

Sa PNP Memorandum Circular 2024-023 na ipinasa nitong Marso, marapat na ideklara ng mga pulis ang kanilang tattoo at mangako na hindi na sila magdadagdag pa, lalo kung kita ito sa publiko.

Nakatakdang ipatupad ang kautusan 15 araw matapos mailathala ang naturang memorandum circular.

Sinabi ni Fajardo na hindi sila nagdi-discriminate dahil bahagi ito ng sinumpaan nilang tungkulin sa pagrespeto sa mga batas at mga tradisyon ng PNP.

Kabilang sa mga tattoo na ipinagbabawal ay ang extremist tattoo, ethnically o religious, indecent, racist, sexist at mga hindi otorisado at ipinagbabawal na tattoo. Hindi naman sakop sa ipinagbabawal ang aesthetic tattoo gaya sa kilay, labi at sa talukap ng mata.

May punto ang PNP dahil tanggapin natin na iba ang tingin ng nakararami sa ‘tin sa mga taong may tattoo. Bagaman marami na ngayon ang bukas ang isipan pagdating sa bagay na ito, hindi pa rin maikakailang nariyan ang pag-aalinlangan sa iba.

Ito ang masakit na katotohanan: Marami ang tingin at paglalarawan sa isang may tattoo ay mukhang kriminal at hindi mapagkakatiwalaan.

Dapat ding iayon sa propesyon ang pagta-tattoo. Naalala ko tuloy ang litrato sa isang humor magazine kung saan ang dentista ay may malaking tattoo na ahas sa braso. Tuloy ang pasyente ay napapikit hindi sa takot sa heringgilya kundi sa ahas ni dok!

Teka, tingnan din natin ang kabilang persepsyon. Anong konek ng tattoo sa imahe at kakayahan ng isang pulis sa pagtupad ng kanyang tungkuling magserbisyo, ang paglingkuran at protektahan ang mamamayan?

Sinasabing expresyon o sining ang tattoo. Hindi ito salamin ng kalooban at asal ng tao, katulad ng alagad ng batas.

Uso ang tattoo. Ika nga normal na. Ang tattoo ay nakatatak na kwento ng isang tao. Mas mahalaga ang pisikal at sikolohikal na kapasidad ng pulis sa pagtupad ng tungkulin. Ito ang isa sa dapat tinitimbang ng organisasyon.

Ayon nga sa ilang netizens, wala ‘yan sa tattoo. Hindi sukatan ang tattoo ng pagkatao. Ang dapat daw alisin at tapyasan ay ang bilbil o lumulobong tiyan ng ilang pulis.

Oo nga. Ang dapat alisin ay ang burda ng masamang pagkatao ng pulis. Ang burdang nakatago sa pang-ilalim na ugali at anyo ng isang tauhan.

Sabagay, hindi naman ito sapilitan. Kung hindi kayang sumunod ng isang pulis sa mga regulasyon ng PNP ay maluwag ang pinto para sila mag-resign.

Ilang linggo pa lang ang nakalipas mula nang ipalit si Marbil kay ex-PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr. kaya tingnan natin kung uubra ang kanyang hakbang para lalong mapalapit ang mga Pilipino sa kapulisan.

Kaya, mamili na lang ang gustong pumasok sa hanay ng kapulisan: maging pulis o magkaroon ng tattoo.

Pero mas mainam sana kung sa pagbura sa tattoo ay mabura rin ang masamang imahe ng PNP.

44

Related posts

Leave a Comment