NASAAN NA ANG NAKUMPISKANG KAHOY NG DENR?

DPA ni BERNARD TAGUINOD

NAPAKA-EPEKTIBONG pananggalang sa init ang mga punongkahoy sa mga probinsya, nasa ilalim ng mga puno ang mga tao kapag masyadong mainit na ang sikat ng araw lalo ngayong panahon ng El Niño.

Kahit sa loob kasi ng mga kabahayan ay masyadong mainit lalo na ‘yung mga wala pang kisame kaya ang naglalagay sila ng mga duyan o kaya papag sa ilalim ng malalagong mga puno dahil mas malamig-lamig doon.

Ang napapansin ko, ‘yung mga lugar kung saan naitatala ang pinakamainit na heat index ay walang mga puno tulad ng Tuguegarao City na bihira ka nang makakita ng dikit-dikit na mga punong kahoy.

Ang problema sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang dali-dali nilang mag-apruba ng mga request sa pagpuputol ng mga punongkahoy lalo na sa mga subdivision dito sa Metro Manila.

Hindi iniinspeksyon kung ang pinuputol ng punongkahoy ay sagabal ba sa itatayong bahay bago nila aprubahan ang request kaya paubos na rin ang mga puno sa exclusive subdivisions at wala akong sinisisi d’yan kundi ang DENR.

May inilalagay rin na mga checkpoint ang DENR sa mga highway para hulihin ang mga naglalabas ng mga kahoy sa mga probinsya pero walang tao kaya papaano sila makakahuli? Palagay ko, saka lang sila makahuhuli kapag may nag-tip sa kanila dahil wala naman silang mga tao na nag-iinspeksyon sa mga sasakyan kung may dalang kahoy o wala.

Teka nga pala, ang dami na nating nababasang report noon pa na may nakumpiskang mga kahoy ang DENR kaya ang tanong, nasaan ang mga kahoy na ‘yun? Saan nakaimbak?

Hindi na biro ang halaga ng mga kahoy ngayon at sa tagal na ng panahon na humuhuli sila ng mga kahoy na ilegal na pinutol pero wala tayong report kung nasaan ang mga kahoy na ‘yun. Huwag nilang sabihin na nabulok at inanay na.

Kailangan siguro may mambabatas na magpatawag ng imbestigasyon at i-audit ang lahat ng mga kahoy na hinuli ng DENR at kung may mga naipakulong na ba silang mga illegal logger o mga nagpapalusot ng kahoy mula probinsya patungong Metro Manila o iba pang lugar.

Magtataka ka kasi, hindi nauubos ang kahoy na ginagamit ng mga gumagawa ng furniture pero ubos na ang mga punongkahoy sa mga kabundukan kaya ang tanong kapag nagkaroon ng imbestigasyon, ibinebenta ba ng DENR ang mga kahoy na nakumpiska nila?

Saka dapat ding pagtuunan ng pansin ng Kongreso ‘yung tree planting program ng DENR dahil may nakausap akong isang tao na isa sa mga kinuha para magtanim ng mga kahoy sa mga kabundukan, pero nawala na siya ng gana.

Alam niyo kung bakit? Ang bayad lang daw sa kanila sa bawat ektaryang ay P6,000 lang at hindi agad sila binabayaran dahil maraming proseso muna ang dadaanan bago ilabas ang pondo kaya nawalan na sila ng gana. Ngayon magtataka pa ba kayo na kalbo pa rin ang mga kabundukan kahit may “One Billion Tree” project ang DENR?

42

Related posts

Leave a Comment