MASINOP AT MATALINONG PAGGAMIT NG KURYENTE NGAYONG TAG-INIT

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

“PARANG pugon” – ganito inilalarawan ng dalawa sa mga nakasalubong ko kahapon, ang panahon dahil sa sobrang init kaya parang mas makabubuti pa nga talagang manatili na lang sa ating mga tahanan kung hindi naman mahalaga ang dahilan ng paglabas.

Ibayong pag-iingat talaga ang kailangan dahil hindi pa nga ito ang sagad na init pero napakarami na nating reklamong naririnig.

Napansin ko rin na medyo humina na ang water pressure sa bahay na kinailangan gawin para ma-manage ang limitadong suplay ng tubig. Isa pa sa pinakabinabantayan din ngayon ang suplay ng kuryente, pero siniguro naman ng Department of Energy (DOE) na sapat pa naman ito at wala tayong inaasahang problema.

Pero kagaya ng palagi nating nararanasan taon-taon, sumisipa talaga ang konsumo kapag ganitong panahon dahil mas matagal at mas madalas ang paggamit natin ng mga aircon at bentilador.

Sa kabila ng pagtaas ng konsumo ngayong tag-init, magandang balita naman para sa mga konsyumer ang dala ng bawas-singil ng Meralco ngayong Abril. Malaking tulong ang halos piso kada kilowatt-hour (kWh) na pagbaba dahil kahit papaano, may dala itong financial relief sa kabila ng patuloy na pagtaas naman sa ibang bayarin.

Halimbawa na lang na ang katumbas na halos P200 na kabawasan sa bill ng kuryente ng isang tipikal na pamilyang may 200 kWh na konsumo buwan-buwan, maaari nang magamit na pangdagdag na pamalengke o pang-grocery.

Pero kahit na pababa ang singil ng Meralco ngayong buwan, hindi pa rin natin dapat ipagpasawalang-bahala ang inaasahang pagsipa ng konsumo dahil nasa 10 hanggang 40 porsyento ang tipikal na itinataas nito kapag tag-init.

Kaya sigurado, malaki pa rin ang epekto nito sa magiging bayarin natin habang ganitong kainit pa ang panahon.

Maganda ang isinusulong ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Energy (DOE) at ng Meralco, na pag-udyok sa maraming Pilipino na isabuhay ang pagiging masinop at matalinong paggamit ng kuryente.

Bukod kasi sa pansariling benepisyo sa konsumo, pakiki-isa rin ito sa iba pang konsyumer para maalalayan ang demand na talaga namang binabantayan kapag ganitong panahon. Parang bayanihan ito sa simpleng mga pamamaraan.

Madali lang sundin at isabuhay ang mga gawaing ito kagaya na lamang ng simpleng pagpatay ng mga ilaw at pagtanggal sa saksakan ng mga appliance na hindi ginagamit.

Pati ang pagpapanatili lang na malinis ang mga appliance kagaya ng aircon at bentilador, makatutulong para makontrol ang konsumo.

Maraming mga praktikal na bagay na pwedeng gawin, pero tayong mga konsyumer, kailangan pa rin maging mapanuri sa mga nakikita natin. Minsan kasi sa kagustuhan nating bumaba ang bayarin, nabu-budol tayo at nabibiktima ng pekeng promotions.

Kagaya na lang nitong hindi maubos-ubos na fake news tungkol sa mga energy saving devices na makatutulong daw para bumaba ang bayarin. Base sa mga test na ginawa mismo ng Meralco, wala naman talagang natitipid ang mga ganitong gadget. Sa katunayan, nakadadagdag pa ‘yan ng konsumo dahil ang konsepto na kapag isinasaksak ito sa electrical outlet, ito ay dadaluyan ng kuryente.

Kaya nga hindi lamang Meralco kundi pati na rin DOE ang nagbabala laban sa mga ganitong nagkalat sa social media gamit ang mga pekeng videos na tila ba totoong pino-promote ng mga eksperto.

Sabihan ninyo na ang lahat ng mga kakilala na maging mas mapagmatyag pa para hindi tayo maloko. Ngayong panahon na talagang nais nating lahat makatipid, isabuhay natin ang mga gawaing totoong magreresulta dito at huwag basta-basta magpadala sa nababasa sa social media.

128

Related posts

Leave a Comment