MASUSING PAGTALAKAY SA PENSYON NG MUP

SINIMULAN na ng Senado ang martsa ng diskusyon sa panukalang reporma sa umiiral na pension system ng military at uniformed personnel (MUP).

Walang kontribusyon ang MUP sa kanilang retirement fund ngunit mas malaki ang pensyon nila kumpara sa nakukuha ng mga empleyado ng gobyerno at ng nasa pribadong sektor.

Hindi ang kontribusyon at paghahambing ng pensyon ng MUP at ng ibang mga kawani ng gobyerno at pribadong manggagawa ang tunay na paksa rito kundi ang epekto nito sa patuloy na paglobo ng fiscal deficit. Mas mataas ang halagang ginagastos ng gobyerno para sa pensyon kumpara sa pondo para sa gamit ng militar.

Inilagay ng karamihang MUP ang mga sarili sa panganib. Isinugal ang kanilang buhay para sa proteksyon ng publiko at seguridad ng bansa kaya resonable na sa kanilang pagtanda ay mayroon silang dignidad, natutugunan ang pangangailangan, at komportable ang pamumuhay.

Maaaring baguhin ang sistema sa pensyon ng MUP ngunit dapat ay resonable, dapat ay patas lamang kumpara sa benepisyo ng iba na nagsilbi rin sa bayan sa ibang paraan. Hindi pantay, ngunit tinatrato nang parehas ang bawat isa, ayon sa kanilang pangangailangan.

Nag-aalala na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa epekto ng reporma sa pension sa morale at kapakanan ng military at uniformed personnel (MUP). At nais ng Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines na mabalanse ang morale at kapakanan ng MUP sa konsiderasyon sa panukalang baguhin ang sistema sa kanilang pensyon.

Apektado na ang morale at balisa na ang nasa aktibong serbisyo ng sandatahang lakas, gayundin ang mga retirado at beterano.

Ayon kay National Defense Senior Undersecretary Carlito Galvez Jr., nasa 70 hanggang 80% ng enlisted MUP ang inaasahang kukuha ng optional retirement upang hindi maapektuhan ng bagong pension law.

Gusto naman ng gobyerno ang malawakang pagbabago sa sistema ng pension system dahil hindi na ito kayang suportahan ng pamahalaan kaya paniguradong matensyon ang magiging diskusyon dito.

97

Related posts

Leave a Comment