Publiko ‘di dapat maalarma SHOOTING INCIDENTS SA QUEZON ISOLATED CASE LANG – PNP

TINIYAK ng Quezon Police Provincial na walang dapat ipangamba ang publiko sa napaulat na ilang barilan sa lalawigan ng Quezon. Ito ay matapos tiyakin ng Quezon Police na nakatutok sila sa sitwasyon at sinabing ang mga naganap na insidente ay isolated case lamang.

Sa pahayag ni PCol. Ledon D. Monte, Provincial Director ng Quezon Police Provincial Office (PPO), hindi aniya dapat maalarma ang publiko sa nagdaang pamamaril dahil hindi konektado sa isa’t isa ang mga pangyayari.

Gayunman, tiniyak ni PCol. Monte na tututukan at bibigyang pansin nila ang mga nangyaring barilan sa lalawigan.

Bilang katunayan ng pagkilos ng kapulisan ay isang direktiba ang ibinaba ng Quezon PPO sa bawat istasyon ng pulisya. Nakasaad sa direktiba ang mas pinaigting na pagsasagawa ng pagpapatrolya ng 24/7. Mahigpit din ang bilin ni PCol. Monte na doblehin ang police visibility sa mga lugar na madalas pangyarihan ng insidente.

Kabilang din sa direktiba ang pagbuo ng tracker teams na kinabibilangan ng trained police detectives na tututok sa bawat kaso para madali itong malutas.

Isa pa sa ginagawang intervention ng Quezon PPO ay ang pagkakaroon ng Dragnet Operation. Ang dragnet ay sistematikong hakbang para hulihin ang isang suspek sa pamamagitan ng check-point operation gaya ng Oplan Sita. Malawakang sinusuri ng kapulisan ang sinomang dadaan sa point of entry at point of exit ng isang munisipalidad. Dahil dito ay 100 porsyento na magiging alerto ang mga kapulisan.

“Maging kapatid namin sa serbisyo ay naging biktima din ng barilan habang ginagampanan ang kanyang sinumpaang tungkulin. Pagpapatunay lamang ito na hindi tumitigil ang kapulisan ng Quezon sa pagpapatupad at pagpapalaganap ng kapayapaan. Kung kaya mahalaga din ang partisipasyon ng ating mga kababayan upang mapanatili natin ang kaayusan at katahimikan ng atin lalawigan,”  pahayag ni PCol. Monte.

126

Related posts

Leave a Comment