MATATAAS NA GUSALI SA BANSA HANDA BA SA THE BIG ONE?

SA GANANG AKIN

Ilang malalakas na pag­lindol na ang tumama sa ating bansa nitong mga nakaraang linggo. Nariyan ang 6.1 magnitude na lindol na yumanig sa Metro Manila noong ika-22 ng Abril na nagresulta sa pagguho ng isang supermarket sa Porac, Pampanga at sa pagkasira ng Clark International Airport. Sinundan ito ng 6.5 magnitude na paglindol sa Eastern Samar noong ika-23 ng Abril. Hindi pa riyan nagtapos ang pagyanig dahil hindi nakaligtas ang Mindanao sa 4.7 magnitude na lindol na tumama sa Davao Oriental noong ika-24 ng Abril.

Ayon sa mga eksperto, kung susunding mabuti ang mga nakasaad sa National Building Code, dapat ay kayanin ng mga gusali sa bansa ang lakas ng lindol na may 8.4 magnitude. Ang kasalukuyang building code kasi ay nagsasaad ng mga batayan at sukatan na makasisiguro na kakayanin ng isang gusali ang 7 hanggang 8.4 magnitude na paglindol. Kung ang isang gusali ay gumuho bilang resulta ng mas mababang magnitude ng lindol, dalawa lamang ang ibig sabihin nito, hindi sumunod sa nakasaad sa National Building Code o gumamit ng substandard na mga materyales sa pagtatayo nito.

Upang masigurong nasusunod ang National Building Code, ang mga ahensya ng pamahalaan gaya ng Department of Trade and Industry (DTI) na ang papel ay suriin ang integ­ridad ng mga ginagamit na materyales sa paggawa ng mga gusali sa bansa gaya ng bakal na gina­gamit bilang pundasyon ng mga ito. Kung ang klase ng bakal na gagamitin ay hindi angkop sa taas ng gusali, malamang ay hindi nito ka­yanin ang mga lindol na may mataas na magnitude.

Dapat mas patatagin at pahigpitin pa ang proseso ukol sa pag-apruba ng mga bakal na ginagamit sa pagtatayo ng mga gusali upang masiguro ang integridad ng mga ito. Isang mabigat na suliraning kinakaharap natin ukol dito ay ang mga nakakalusot na substandard na mga materyales. Delikado ito para sa bansang kagaya natin na pwedeng tamaan ng lindol anumang oras.

Sana ay masolusyonan agad ito ng ating pamahalaan dahil dito nakasalalay ang ating kaligtasan kapag dumating na ang The Big One.  (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)

247

Related posts

Leave a Comment